Pinaniniwalaan na wala na sa Amerika ang kontrobersiyal na si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na iniuugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects sa bansa.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing batay sa record ng U.S. Customs and Border Protection, dumating sa New York si Co noong August 26, 2025, gamit ang tourist visa.

Pinayagan siya na manatili sa Amerika ng hanggang February 25, 2026. Gayunman, pagkaraan pa lang ng 19 na araw, umalis na siya ng New York, at hindi nakatala kung saan nagpunta.

Nitong Lunes, tinanong ang bagong Speaker ng Kamara de Representantes na si Rep. Faustino “Bojie” Dy III, kung totoo ang impormasyon na posibleng nasa Europa si Co, ngunit hindi umano nito alam kung nasaan ngayon ang mambabatas.

Naunang inihayag ng tagapagsalita ng Kamara na nasa Amerika si Co dahil sa usaping pangkalusugan.

Ilang araw matapos maupong Speaker si Dy, binawi niya ang travel clearance ni Co at inutusang umuwi na sa bansa para sagutin ang mga alegasyon na ibinabato sa kaniya kaugnay ng mga anomalya umano sa flood control projects.

Sa inilabas na kautusan ni Dy, binigyan niya ng 10 araw si Co na bumalik sa bansa sa sandaling matanggap ang kaniyang direktiba.

Kung hindi niya ito gagawin, pag-uusapan umano ng liderato, at ng House Ethics committee ang susunod na hakbang tungkol kay Co, na maaaring maharap sa disciplinary at legal actions.

Si Co ang chairman ng House appropriation committee noong nakaraang taon at nanguna sa paghimay sa 2025 national budget kung saan nangyari ang mga sinasabing singit o insertion na iniuugnay sa flood control projects. – FRJ GMA Integrated News