Nasawi ang isang kambal na batang babae, at pito pa ang nasugatan nang sumabog ang mga nakaimbak na pulbura at mga gamit sa paggawa ng paputok sa isang bahay sa Valenzuela City nitong Miyerkules.

Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA news “24 Oras,” sinabing nangyari ang insidente sa Paisa Street sa Batimana Compound dakong 11:30 a.m..

Nasawi ang kambal na pitong-taong-gulang, habang kabilang sa mga nasugatan ang isang senior citizen, at tatlo pang bata.

Nagtamo naman ng sunog sa katawan ang isa pang biktima na 13-anyos na babae.

Apat na pamilya ang nawalan naman ng tirahan dahil sa pagsabog na naging dahilan din ng sunog.

Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, sasagutin ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa pagpapagamot sa mga biktima.

“The city government and emergency response teams are working closely to provide assistance to the affected families… lahat ng hospital bills po ng pamilya and mga victims to be shouldered by the LGU,” pahayag ng alkalde. 

Ayon sa pulisya, ipinagbabawal ang pag-iimbak ng mga kemikal sa paggawa ng paputok sa residential area.

“Sa information got from the residents at saka members of the family, ang kanilang deklarasyon ay may nakaimbak doon na kwitis na iniipon na ibebenta. Kaso during the inspection hindi na nakita yung traces kasi kasama na siya sa explosion,” saad ni Valenzuela Police chief Police Colonel Joseph Talento. – FRJ GMA Integrated News