Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes na inaalam nila kung may mga Pilipinong seafarers na nasaktan sa nangyaring pag-atake sa Dutch-flagged cargo ship na Minervagracht sa Gulf of Aden.

“Agad pong nakikipag-ugnayan ang DMW sa ship operator, employer, mga manning agency, at sa Department of Foreign Affairs (DFA) kasama ang ating mga konsulado upang beripikahin kung may Pilipino ngang kabilang sa mga apektado,” saad ng DMW sa social media post.

Ayon sa kagawaran, nakahanda silang magbigay ng tulong sa mga apektadong marinong Pinoy tulad ng medical assistance, repatriation, counseling and psychological support, legal aid, at iba pang uri ng tulong na kailangan nila at ng kanilang mga pamilya.

Batay sa ulat ng Reuters, nailikas ng mga rescuer ang 19 na tripulante ng barko na kinabibilangan ng Russian, Ukrainian, Pilipino, at Sri Lankan, matapos itong atakihin gamit ang explosive device at magliyab.

Sinabi ng DMW na maglalabas sila ng update kapag may opisyal na kumpirmasyon na silang natanggap.

Isa ang naiulat na nasugatan ngunit nasa stable na kondisyon, habang isa pa ang malubhang nasugatan at dinala sa sa Djibouti sa East Africa. — mula sa ulat ni Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA Integrated News