Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang bagong Ombudsman ng Pilipinas. Ano nga ba ang kapangyarihan ng isang anti-graft czar? Alamin.

Papalitan ni Remulla si dating Ombudsman Samuel Martires, na natapos ang termino noong Hulyo 27, 2025. Magsisilbi si Remulla sa loob ng pitong taon na fixed term at hindi maaaring ma-renew at hindi basta-basta mapapaalis sa puwesto ng susunod na administrasyon.

Ang Ombudsman na tinatawag ding Tanodbayan ay isang fiscally autonomous o malaya na tanggapan,  na hindi saklaw o kontrolado ng alinmang sangay ng pamahalaan. Ayon sa website ng Ombudsman, hindi kailangang dumaan sa Commission on Appointments o anumang kumpirmasyon ng Kongreso ang pagkakatalaga sa posisyon ng Ombudsman o mga Deputy nito.

Pero ano nga ba ang ginagawa ng Ombudsman?

“Ang Ombudsman ang nagsisiguro na ang ating burukrasya ay ginagawa ‘yung kaniyang trabaho. They guard against erring public officials,” sabi ni National Union of Peoples’ Lawyers president Atty. Ephraim Cortez sa GMA News Online.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Ombudsman ay may kapangyarihang mag-imbestiga sa mga opisyal o kawani ng pamahalaan, sa sariling inisyatiba o batay sa reklamo ng ibang indibidwal, kung may hinihinalang ilegal na gawain, hindi makatarungan, hindi wasto, o hindi epektibong ginagawa kaugnay sa pagtupad ng tungkulin ng isang nasa gobyerno.

Maaari ding atasan ng Ombudsman ang sinumang opisyal o kawani, ahensya, at alinmang government-owned or controlled corporation,na may orihinal na charter, na isagawa ang anumang itinakda ng batas o itigil at itama ang anumang pang-aabuso o hindi wastong pagganap sa tungkulin.

Kabilang sa iba pang kapangyarihan ng Ombudsman ay magrekomenda ng tatanggaling opisyal, magsuspinde ng opisyal, magbaba ng ranggo, magpataw ng multa, magsaway, o magsampa ng kaso [sa Sandiganbayan] laban sa opisyal, at tiyakin na ito ay maisasakatuparan.

Kung tumanggi ang opisyal o kawani na sumunod, sinabi ng Ombudsman na ito ang magiging batayan para sa pagsasagawa ng kaukulang disiplina.

May kapangyarihan din ang Ombudsman na pansamantalang suspindihin ang sinumang opisyal o kawani na nasa ilalim ng kanyang hurisdiksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon, kung naniniwala siyang matibay ang ebidensiya ng pagkakasala at kung:

  •   Ang kaso laban sa naturang opisyal o kawani ay may kinalaman sa hindi pagiging tapat, pang-aapi, o matinding paglabag sa tungkulin o kapabayaan sa pagtupad ng tungkulin;
  •   Ang mga paratang ay sapat upang maging batayan para sa pagpapatalsik sa serbisyo; at
  •   Ang patuloy na pananatili ng nasasakdal sa kanyang posisyon ay maaaring makaapekto o makasagabal sa kaso laban sa kanya.

Ayon sa Ombudsman Act of 1989, magpapatuloy ang suspensyon hanggang sa matapos ang kaso sa tanggapan, ngunit hindi lalampas sa anim (6) na buwan, at wala itong bayad.

Bukod dito, may kapangyarihan din ang Ombudsman na tumanggap ng panunumpa, maglabas ng subpoena at subpoena duces tecum, at kumuha ng salaysay sa anumang imbestigasyon o pagsisiyasat, kabilang na ang kapangyarihang siyasatin at magkaroon ng access sa mga bank account at record.

May kapangyarihan din ang Ombudsman na parusahan ang sinuman na mako- contempt nito.

Samantala, maaaring magsimula ang tanggapan ng nararapat na hakbang para mabawi ang mga ill-gotten at/o hindi maipaliwanag na yaman na naipon matapos ang Pebrero 25, 1986, at upang usigin ang mga sangkot na indibidwal.

Inaatasan din ang tanggapan na bigyang-prayoridad ang mga reklamong isinampa laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan at/o ng mga nasa supervisory positions

Ayon sa batas, walang hukuman ang maaaring maglabas ng writ of injunction upang ipagpaliban ang isang imbestigasyon ng Ombudsman, maliban na lamang kung mayroong prima facie evidence na ang imbestigasyon ay nasa labas ng hurisdiksyon ng kanyang tanggapan.

Dagdag pa sa batas, tanging ang Korte Suprema lamang ang maaaring duminig sa anumang apela o kahilingan para sa remedyo laban sa anumang desisyon ng Ombudsman.

Pagsisiyasat

Sa ngayon, kabilang ang Ombudsman sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagsisiyasat sa maanomalya umanong flood control projects sa bansa.

May sarili ring imbestigasyon na ginagawa tungkol sa naturang usapin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), Department of Justice, Kamara de Representantes at Senado.

Para kay Cortez, ang Ombudsman dapat ang naging pangunahing ahensiya ng pamahalaan na nagsisiyasat sa flood control issue.

“‘Yung purposes of these investigative bodies is not as comprehensive na katulad ng sa Ombudsman,” ani Cortez. “Ang ICI, for example, has subpoena powers but it does not have contempt powers. So pwedeng suwayin ‘yung kanilang mga subpoena powers to get documents. Which is different kapag sa Ombudsman.”

Nangangamba siya na maging “circutious” o paikot-ikot lang ang imbestigasyon dahil sa dami ng nagsasagawang pagsisiyasat.

“Dadalhin mo sa ICI, they conduct fact-finding investigation. ICI is only fact-finding. In consonance with the decision of the SC sa Truth Commission, they cannot go beyond fact-finding,” sabi ni Cortez.

“Kung anuman ‘yung findings nila, they would have to send it to the Ombudsman. ‘Yun ang proper agency and the Ombudsman will again conduct an investigation. Part ng due process… so nado-doble ‘yung process,” dagdag pa niya.

Hinihinala ni Cortez, na ang imbestigasyon ng Ombudsman ay maaaring patungo sa pagsasampa ng mga kasong kriminal sa Sandiganbayan o pagsasampa ng mga administratibong reklamo. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News