Nauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng mga awtoridad ng arrest warrant laban sa isang lalaki sa Calamba City, Laguna. Nagresulta ito sa pagkakasawi ng dalawang sibilyan na nadamay, kabilang ang isang bata na apat na taong gulang.
Nangyari ang insidente noong October 15, 2025 sa Barangay San Cristobal, Calamba City, habang isinisilbi ng mga awtoridad ang arrest warrant laban sa target na may kinakaharap na kasong homicide.
“During the service of the warrant of arrest, initially successful, nakuha po natin siya,” sabi ni Calamba Component City Police Station officer-in-charge Police Lieutenant Colonel Dennis de Guzman sa press briefing.
“Noong binabasahan na siya ng Miranda Rights, bigla pong in-ambush yung apat nating operatiba ng tatlong male factors armed with multiple firearms, one of which is a magazine-fed shotgun, isang caliber .38 at saka isang caliber .45,” dagdag niya.
Bukod sa apat na taong gulang na bata, nasawi rin sa engkuwentro ang isang 57-anyos na sibilyan.
Sugatan din ang dalawang pulis, ayon pa kay de Guzman.
Nadakip naman ang isa sa mga suspek na nakipagbarilan sa mga pulis habang tinutugis ang isa pa.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong resisting arrest, disobedience to a lawful order, two counts of murder, two counts of frustrated murder at paglabag sa illegal possession of firearms law. – Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
