Pinalitan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos ang namumuno sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na kumukolekta ng buwis sa bansa.

Nitong Miyerkoles, kinumpirma ni Press Secretary Dave Gomez na inalis ni Marcos sa puwesto si Romeo Lumagui, Jr. bilang BIR commissioner, at ipinalit si Finance Undersecretary Charlito Mendoza.

Nakasaad ang pagbabago sa naturang posisyon sa appointment paper na may petsang Nov. 12, 2025, na pirmado ni Marcos.

Hindi naman binanggit kung ano ang dahilan kung bakit pinalitan sa puwesto si Lumagui.

Bago nito, iniulat ng BIR sa ilalim ng pamumuno ni Lumagui na nalampasan ng ahensya sa target nitong koleksyon ng buwis para sa unang kalahati ng 2025.

Iniulat ng BIR noong Agosto na umabot sa ?1.554 trilyon ang nakolekta nito mula Enero hanggang Hunyo 2025, mas mataas ng ?4.594 bilyon kaysa sa itinakdang target para sa nasabing panahon.

Kung ihahambing sa nakaraang taon, tumaas ng 14.11% o ?192.143 bilyon ang kabuuang koleksyon ng BIR.

Kamakailan lang, naghain ang BIR ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza dahil sa umano’y pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.

Ayon kay Lumagui, may kaugnayan ang reklamo sa mahigit ?1.6 bilyong kakulangan sa buwis batay sa kita ng mga inirereklamo mula 2020 hanggang 2024. –FRJ GMA Integrated News