Isang lalaki ang arestado matapos mabuko ang isang drug laboratory umano sa pagsasagawa ng joint operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Rizal Provincial Intelligence Team sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing natuklasan sa drug lab umano ang samu’t saring drug paraphernalia at kemikal na ginagamit sa paggawa ng ilegal na droga.
Humigit kumulang 300 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska.
Tinutugis naman ang dalawa pang kasama ng hinuling lalaki. Hindi nagbigay ng pahayag ang lalaki.
Sa Imus, Cavite naman, huli rin ang isang lalaki matapos mag-deliver ng ilegal na droga.
Nakuha sa lalaki ang hinihinalang shabu na may halagang P1.7 million. Kinumpiska rin ng pulisya ang dala niyang bag at motorsiklo.
Umamin ang suspek sa krimen. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
