Inaresto sa kaniyang bahay sa Sariaya Quezon ang isang lalaki na nanggahasa umano sa isang 16-anyos na babae. Ang kahalayan, palihim pa umanong kinuhanan ng video ng suspek at ginamit na panakot sa biktima para makipagkita muli sa kaniya.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing pumapalag pa ang suspek nang arestuhin sa kaniyang bahay matapos ireklamo ng dalagita ng panggagahasa.

Ayon sa pulisya, nagkakilala ang biktima at ang suspek sa social media at nagkakausap doon paminsan-minsan.

Hanggang nitong nakaraang Setyembre, inaya umano ng suspek ang biktima na puntahan siya sa kaniyang bahay.

Sinabi ni Police Brig.Gen. Wilson Asueta, acting director ng Anti-Cybercrime Group ng PNP, pinangakuan umano ng suspek ang dalagita ng P200 kaya pumayag ang biktima na pumunta sa bahay ng lalaki para sana kunin ang pera.

Ngunit nang nasa bahay na ang biktima, tinakot umano ng suspek ang dalagita at ginahasa. Kinuhanan din umano ng suspek ang ginawang krimen nang hindi nalamaman ng dalagita.

Makaraang ang ilang linggo matapos mangyari ang krimen, ipinadala ng suspek sa biktima ang video at nagbabanta na ipakakalat ito kapag hindi siya muling nakipagkita sa lalaki.

Dito na nagsumbong ang biktima sa kaniyang ina, dumulog naman sa pulisya kaya ikinasa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek, na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag.—FRJ GMA Integrated News