Pinagbabaril at napatay ang kapitan ng Barangay Balibago sa Masantol, Pampanga. Ang biktima, pauwi na galing sa birthday party ng alkalde nang mangyari ang pananambang.

Sa ulat ni CJ Torida ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jinqui “Buboy” Quiambao, na pauwi na galing sa dinaluhang birthday party ng alkalde sa munisipyo.

“Pabalik na sila dito sa kanilang respective na barangay. Pagbaba niya sa sasakyan, na lilipat na sana siya sa sasakyan niya, doon na siya pinagbabaril. Noong dinala sa ospital ay declared dead upon arrival,” ayon kay Pampanga Police Provincial Office director Police Colonel Eugene Marcelo.

Sinusuri na ang mga awtoridad ang mga ebidensiya na nakalap sa pinangyarihan ng krimen.

Hustisya naman ang hiling ng pamilya ng biktima.

“Hindi po namin na ma-imagine na nangyari iyon at hindi niya po deserve ang krimen na ito kasi napakabuti niya pong tao, napakabuti po niyang nanunungkulan,” sabi ni Rina Quiambao Atienza, kapatid ng biktima.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Masantol Police sa iba pang police stations para madakip ang mga salarin. Inaalam din ang motibo sa krimen.—FRJ GMA Integrated News