Arestado ang dalawang lalaki dahil sa magkahiwalay na insidente ng pambabastos umano sa 15-anyos at 11-anyos na mga babae sa Barangay San Isidro, Antipolo City. Ang isang biktima, pinaghahalikan pa umano ng isang suspek sa maselang bahagi ng katawan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News “Unang Balita” nitong Miyerkoles, sinabi ng barangay official na bumibili ng bond paper sa tindahan ang 15-anyos na biktima noong gabi ng Linggo nang lumapit sa kaniya ang isa sa mga suspek na si alyas “Indoy” na nakainom umano.
“Pinaringgan siya ng isang matanda na itong bata ay maganda raw at masarap halikan. At agad-agad na hinawakan at hinalikan sa braso ‘yung bata kaya nagpumiglas,” sabi ni Marvin Corpuz, chief tanod ng Barangay San Isidro.
Nakatakas ang menor de edad na biktima at tumakbo pauwi sa kanilang bahay.
Ngunit isang lasing na lalaki umano na nakaupo sa may passenger seat ng nakaparadang jeep ang bigla na lamang nangharang at sapilitan siyang dinala sa may likurang bahagi ng sasakyan. Doon na hinalikan ng lalaki ang biktima sa maseselang bahagi ng katawan.
“Doon na nakapumiglas ‘yung bata na makatakbo,” sabi ni Corpuz.
Nagsumbong sa barangay ang mga kaanak ng biktima pero kinalaunan ay hindi na itinuloy ng dalagita at mga kaanak na sampahan ng reklamo ang suspek na si alyas Indoy, na walang pahayag.
Samantala, isa namang suspek na si alyas “Toto” ang nambiktima umano sa isa ring menor de edad sa hiwalay na insidente noong Sabado.
Isinalaysay ng 11-anyos na biktima, na pinayagan ng kaniyang mga magulang na magpa-interview, na bumili siya ng gamot para sa kuya niya nang maganap ang insidente.
“Bigla niya po akong hinatak, ang sabi niya po sumama raw po ako sa kaniya. Tapos bigla ko pong sinabi, ayoko po kasi hindi ko po siya kilala. Buti na lang nakatakbo ako,” anang menor de edad na biktima.
Kapitbahay umano ng biktima ang suspek, na itinanggi ang paratang at iginiit na hindi rin siya nakainom.
“Aksidente na nasagi ko ‘yung batang babae. Wala po akong ari na inilabas, wala pong pambabastos wala pong panghahalik. Wala pong ginawang mali ma’am,” sabi ni alyas “Toto.”
Ayon sa opisyal ng barangay, dati nang nabilanggo si alyas Toto noong 2020 dahil sa kasong pagnanakaw, at isa umano sa sakit ng ulo sa kanilang lugar.
Nakadetine ang suspek sa Antipolo Police Station Custodial Facility at nahaharap sa reklamong paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
