Maaksyon at pahirapan ang paghuli sa isang lalaki na nang-carnap sa SUV ng kaniyang dating amo sa Barangay Fatima, General Santos City. Ang suspek na nakabangga pa, sinisante dahil sa paggamit niya umano ng droga.
Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang hot pursuit operation ng General Santos City Police sa SUV na sira na ang bumper at basag ang windshield nitong Biyernes.
Tinangka pang umarangkada ng SUV, bago ito pinalibutan ng mga awtoridad. Kinalsohan na nila ng bato ang gulong nito at pilit pinababa ang driver.
Ngunit nagmatigas pa rin ang driver at sinubukang umatras para tumakas.
Kaya ang mga pulis, pinaghahampas na ng baril at bato ang salamin at windshield ng sasakyan para madakip ang driver. Pinuwersa na nilang mapababa ang driver ng SUV at saka ito inaresto.
Bago nito, tinangka umanong tangayin ng lalaki ang SUV mula sa auto shop ng dating niyang amo.
Ang mismong biktima umano ang nag-ulat sa pulisya para mabawi ang SUV.
“Sinesante siya sa work. Iyon ang nakikita namin na anggulo, sinisante siya sa work because of alleged drug addiction,” sabi ni Police Major Ari Noel Cardos, PS-7 Commander ng General Santos City Police.
Dagdag ng PNP, marami umanong nabangga ang suspek habang nakikipaghabulan ito.
“There were instances na na-stop siya, nag-refuse siya to submit himself to authorities at saka marami na siyang nabangga. Maraming reported na nasira but ang nagreklamo lang sa amin one sari-sari store and one residential area,” sabi pa ni Cardos.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at ang SUV na kaniyang tinangay.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na makuha ang panig ng suspek, at ang may-ari ng SUV. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
