Naiyak na lang sa awa ang may-ari ng isang kalabaw sa Ibajay, Aklan, nang makita niyang nakabigti sa puno at patay na ang kaniyang alaga. Ngunit napag-alaman na hindi pala iyon ang unang pagkakataon na may alagang hayop na tinalian sa leeg at ibinitin sa puno sa lalawigan.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabi ni Adel Secciona na itinali at iniwan niya ang alagang kalabaw noong December 6 sa isang puno na malapit sa damuhan sa Barangay Antipolo, Ibajay.
Sa sumunod na araw kinaumagahan, binalikan niya ang kalabaw at nanlumo siya nang makitang nakabitin na ang alaga sa puno at patay na.
“Pagkakita ko umiyak ako, ‘di ko mapigilan. Tapos nilapitan ko at hinimas-himas na lang kasi naawa ako, kasi patay na talaga. Yung ulo nakatali, parang nakatanga. Yung leeg nilagyan ng tali, parang binigti,” ayon kay Secciona.
Napag-alaman naman na may katulad ding insidente na nangyari noong December 6 sa ibang lugar.
Ilang linggo bago nito, may tatlo pang katulad na insidente ang nangyari sa mga barangay ng Ondoy, Tagbaya, at Aquino.
“Kung sino gumawa nito, the same rin sigurong grupo, kaya ang ina-advice [advise] namin sa mga residente na kung maaari lang, kung sino pa ang may mga alagang kalabaw o baka, dalhin na lang muna malapit sa bahay,” payo ni Police Lt. Rezie Bulanon, deputy chief of police ng Ibajay Municipal Police Station. –FRJ GMA Integrated News
