Kinumpirma ng Benguet police na nasawi si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral matapos na matagpuan sa malalim na bahagi ng Kennon Road sa Tuba, Benguet nitong Huwebes ng gabi. Ang cellphone at gadgets ni Cabral, iniutos ng Ombudsman sa pulisya na i-“secure.”
Nakuha ang katawan ni Cabral na unang idineklarang “unconscious and unresponsive” sa may lalim na 20 hanggang 30 metro, at malapit sa Bued River, ilang oras matapos umanong sabihan ang kaniyang driver na iwan siya sa Kennon Road.
Bagaman iniimbestigahan pa ang dahilan kung papaano siya nahulog, lumitaw sa paunang pagsisiyasat ng mga awtoridad na nasa Kennon Road si Cabral at driver nito dakong 3:00 p.m. patungong La Union.
Pero ipinatigil umano ni Cabral ang sasakyan sa Maramal, Camp 5, Camp 4, at nagpaiwan.
Nang balikan ng driver si Cabral dakong 5 p.m., hindi na niya ito makita.
Dakong 7 p.m., nang magpatulong na ang driver sa mga awtoridad upang hanapin ang dating opisyal.
Si Cabral ang itinuturong nasa likod ng tinatawag na “allocable,” sa paglalaan ng pondo para sa mga mambabatas na inilaan sa flood control projects na umano’y ginamit sa katiwalian.
Kabilang si Cabral sa mga dating opisyal ng DPWH na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na kasuhan kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Kaugnay ng insidente, iniutos ng Office of the Ombudsman sa mga awtoridad sa Benguet na i-secure ang cellphone at iba pang gadgets ni Cabral.
"The Ombudsman’s office directs the authorities in Benguet to take custody of and preserve the cellphone and other gadgets of former Usec. Cathy Cabral," sabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano.
"The same is to be turned over to the investigators at the proper time," dagdag pa niya.—FRJ GMA Integrated News

