ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
ALAMIN: Mga putok-batok na handa ngayong Kapaskuhan
By GMA Integrated News
Hindi mawawala ngayong Kapaskuhan ang mga pagkaing putok-batok gaya ng bagnet at inihaw na manok, na saktong panghanda sa noche buena. Alamin ang mga patok na negosyo sa Metro Manila kung saan mabibili ang mga ito.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang sisig bagnet ni John Pascua, owner ng SBKS Sisig and Bagnet.
Food cart ang gamit ni John sa pagtitinda, at ibinabalandra niya ang mga tipak ng bagnet sa daan sa Kalayaan Park sa Taytay, Rizal.
“Noong nag-start na itong business, nagtitingin ako kung ano ba ang makakapagpatawag sa mata ng mga tao. Naisip ko na ilagay siya sa clear na square na balde. Para kapag dumaan ‘yung tao, kita na bagnet ‘yung tinda,” sabi ni John.
Mabibili sa halagang P65 ang solo order ng bagnet sisig with rice. At kung paramihan naman, mabibili ang sisig bagnet ala carte sa halagang P110 hanggang P1,100. Kung bagnet lamang, mabibili ito ng P110 hanggang P870, depende sa dami.
Nakapagdagdag na rin sila ng limang dagdag na cart na franchise ng kaniyang mga kaibigan, at nakapagbukas pa sila ng physical store. Pinasasahod na rin ni John ang siyam niyang empleyado.
Nakapagluluto sila ng 150 kilo ng karne kada raw, at kumikita ng P10,000 hanggang P15,000 sa isang cart kada isang linggo.
Samantala sa Quiapo naman, dinadayo ang spicy kaldereta ni Cris Angel Samaniego, na mas kilala bilang si Anghelita.
Pork ribs ang kaniyang ginagamit sa pagluluto ng spicy kaldereta, na isang oras pinakukuluan bago titimplahan ng mga pampalasa. Sasamahan pa niya ito ng keso para mas maging malasa.
Ngunit ang hinahanap-hanap ang sangkap na siling labuyo.
Ngayon, umaabot na ng 150 kilos ng porks ribs ang kanilang nauubos sa isang araw. Apat hanggang limang beses silang nagluluto ng spicy caldereta mula 2 p.m. hanggang 12 a.m.
Nagkakahalaga ang spicy kaldereta ni Anghelita ng P100 kada order. Maaari ding pumili ang mga customer kung may kasamang kanin o kung ala carte na mas marami nang kaunti ang serving.
Sa isang araw, nakapagluluto sila ng 25 kilos ng baboy, at kumikita siya ng P20,000 hanggang P35,000 sa isang buwan, na higit pa kung minsan.
Patok din ngayon ang lechong niluluto sa oven o tinatawag na Lechon Hurno.
Ayon kay Precious Tengco, owner ng Rachel’s Lechon Hurno, nagsimula sila nito lamang Marso 2025 matapos imungkahi sa kaniya ng kaniyang ina.
Para matiyak ang lambot at tamang luto nito, tatlo hanggang apat na oras isinasalang sa oven ang lechon hurno ni Precious. Ayon kay Precious, medyo hawig siya sa lasa ng lechon na niluluto sa uling.
Patok ang lechon hurno ni Precious, kaya nakauubos sila ng 120 kilos ng lechon kada araw.
Ang kaniyang negosyo, kumikita ng five hanggang six digits kada buwan.
Kakaiba rin ang manok ng negosyo ni Efraim Esperida, may-ari ng Peking Duck Style Chicken, dahil niluluto nila ito sa tandoori oven.
Maigagaya ang pagkaluto nito sa pagluluto ng mamahaling peking duck, na may twist. Gaya nito ang lasa ng peking duck ngunit manok version.
Sa halagang P179, mabibili na ang isang quarter size peking duck style chicken, na may kasama pang java rice at drinks. Halagang P429 hanggang P449 ang isang whole peking duck style chicken.
Mas masarap pa ang kanilang manok kapag itinerno sa Hoisen sauce.— Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
More Videos
Most Popular