Sa kabila ng bansag sa kanila bilang “man's best friend,” may mga aso pa rin na nakararanas ng pagmamalupit ng ilang tao. Kahit pa paulit-ulit ang paalala ng mga awtoridad tungkol sa batas na nagpapataw ng parusa sa sino mang mapapatunayang nanakit, nang-abuso at pumatay sa mga aso.
Balikan natin ang ilang insidente ng kalunos-lunos na sinapit ng ilang aso ngayong 2025, at ang naging legal na hakbang laban sa mga taong sangkot upang magsilbing babala sa iba.
Kasama rin sa ating babalikan ang ipinakitang malasakit ng ibang tao na tumulong sa mga kawawalang aso.
Ginapos pinana
Kaawa-awa ang sinapit ng isang aso sa Murcia, Negros Occidental na nakitang may limang tama ng pana at nakabaon pa sa kaniyang katawan. Ang aso, pinaniniwalaang iginapos muna at saka ginawang target.
May nakitang alambre sa leeg ng aso na si “Tiktok,” kaya pinaniniwalaan na iginapos muna ito saka ginawang target ng pana na bakal ang bala.
Hindi naging madali ang pag-alis sa mga pana dahil may sima o kawit ang dulo nito. Pinapangambahan din ang tetanus infection sa aso.
Nag-alok naman ang lokal na pamahalaan ng Murcia at iba pang concerned groups ng pabuya sa makapagtuturo kung sino ang nasa likod ng pananakit kay Tiktok.
Nilason
Patay na nang makita ang 10 alagang aso na hinihinalang nilason sa Ormoc City, Leyte. Ang itinuturong salarin, isang magsasaka na posible umanong nagalit matapos masira ang mga pananim niyang mais.
Nakita na lang umano ng mga may-ari ng mga aso na nangingisay na ang kanilang mga alaga bago pumanaw. May nakitang pagkain sa lugar na isda at kanin na umano’y hinaluan ng lason.
Pinaghahampas sinunog
Kalunos-lunos din ang sinapit ng isang aso na nakalabas sa kalye, na pinatay at sinunog pa sa Marilao, Bulacan.
Nasa kalsada noon ang aso nang bigla itong paghahampasin ng isang lalaki. Kinaladkad pa ng lalaki ang aso bago sinunog.
Inaresto at ikinulong ng awtoridad ang lalaki matapos isumbong ng isang residente. Depensa ng suspek, pinatay niya ang aso dahil nanghahabol umano ng mga bata.
Pinagpapalo at tinangay
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang aso na nahuli-cam na pinagpapalo ng isang lalaki saka isinakay sa SUV sa Alaminos, Pangasinan.
Makikita sa CCTV footage na natutulog sa gilid ng daan sa Barangay San Vicente ang aso nang madaanan ng SUV. Tumigil ang SUV at hinagisan ng pagkain ang aso.
Maya-maya lang, isang lalaki ang bumaba na may hawak na pamalo at pinaghahataw ang aso. Nang hindi na gumagalaw ang aso, binitbit ito ng lalaki sa paa at tinangay papunta sa SUV.
Ini-report na sa awtoridad ng may-ari ng aso ang insidente sa barangay upang matukoy ang salarin.
Brutal na pinatay
Brutal namang pinatay ng isang lalaki ang isang aso, na ilang ulit niyang hinataw ng kahoy sa ulo sa gilid ng Montalban Public Market sa Rodriguez, Rizal.
Lumabas sa imbestigasyon na may napatay umano na panabong na manok ang naturang aso, kaya posible itong sinundan ng may-ari ng manok.
Namatay ang aso pero biglang nawala ang katawan nito sa lugar, at walang nakakaalam kung sino ang kumuha. Ayon sa mga saksi, may dalawa pang kasama ang lalaking pumatay sa aso, at hindi kilala sa lugar ang mga lalaki.
Hinataw sa ulo
Sa Lapu-Lapu City Cebu naman, nasawi ang isang aso matapos itong ilang ulit na hatawin sa ulo ng isang lalaki.
Mapanonood sa isang video na hinabol at ilang beses na pinalo ng lalaki ang aso. Ilang saglit pa, isa pang lalaki ang humila sa aso na mistulang wala nang malay.
Namatay ang aso makaraan ang apat na araw. Inihahahanda ng grupo ang reklamong isasampa laban sa lalaking nanakit sa aso.
Nang-ihi kaya pinatay?
Hustisya rin ang panawagan para asong American Bully na si "Axel," na pinagpapalo hanggang sa mapatay ng isang lalaki sa Sandanga, Mountain Province. Ayon sa alkalde ng bayan, sinabi ng suspek na inihain siya ng aso, at mayroon silang masamang paniniwala tungkol dito.
Nahuli-cam ang nag-viral na video sa Barangay Saclit, nang hatawin ng suspek ng dos-por-dos na kahoy ang aso sa harap ng mga tao. Nagawa pa ng aso na makalayo pero hinabol pa rin siya ng suspek at muling pinagpapalo hanggang sa mapatay.
Ang Animal Kingdom Foundation, may binanggit na anim pa mula sa maraming kaso ng cruelty, maltreatment at neglect (CMN) ng mga aso sa bansa na kanilang inaksyunan:
1. Dipolog City - Asong sinabuyan ng mainit na tubig
2. Cadiz - Aso patay matapos hatawin ng dos por dos binalatan at pinutulan pa ng mga binti
3. Bulacan - Siyam na abandonadong mga aso sa bakanteng lote nasagip
4. Subic - Aso patay sa pananaga
5. Tondo - Isang explosives detection dog pinaimbestigahan dahil sa kalusugan nito umano
6. Malabon - N/A
Bukod sa pang-aabuso, may inaksyunan din ang grupo ngayong 2025 ng 12 kaso ng Dog Meat Trade (DMT), na nagresulta sa pagkakaaresto 13 katao. Tatlo sa mga ito ay “case closed” na (2 sa Pangasinan, 1 sa Ilocos Sur), at siyam ang nagpapatuloy o ongoing ang pagdinig.
Republic Act 8485, o Animal Welfare Act of 1998, maaaring makulong ng anim hanggang 12 buwan ang mga mapaparusahan na nagmalupit sa aso, at may kasamang multa na hanggang P30,000. Kung namatay ang pinagmalupitang hayop, maaaring umabot ang parusang pagkakakulong ng mula 18 hanggang 24 na buwan, at multa na hanggang P100,000.—FRJ GMA Integrated News

