Nahuli-cam ang ginawang pagpatay ng isang lalaki sa isang aso na nakalabas sa kalye matapos makakawala sa bahay sa Marilao, Bulacan. Ang kawawang aso, sinunog pa.Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang biglang paghampas ng suspek sa aso na nasa kalsada.Kinaladkad ng suspek ang aso na kinalaunan ay nakitang sunog na.Inaaresto at ikinulong ng awtoridad ang suspek matapos isumbong ng isang residente.Depensa ng suspek, pinatay niya ang aso dahil nanghahabol umano ng mga bata.Ayon naman sa may-ari ng aso, nakalabas lang ang kanilang aso matapos nilang paliguan. Hindi rin daw nangangagat ang aso.Bagaman hindi na raw magsasampa ng reklamo ang amo ng aso, ang may-ari naman ng CCTV camera na nakahuli-cam sa insidente ang magtutuloy ng reklamo laban sa suspek. -- FRJ, GMA Integrated News