Isang batang lalaki ang nagtamo ng sugat sa kamay matapos subukang paputukin ang isang boga sa Tanjay, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ikinuwento ng bata na ilang beses niyang tinangkang paputukin ang boga na pag-aari ng kaniyang tiyuhin pero nabigo siya.

Hanggang sa biglang nag-apoy ang dulo ng boga at nasapul ang kaniyang mga kamay.

Nakauwi na ang bata makaraang gamutin ang mga sugat niya sa clinic.

Ayon sa pulisya, may dalawa pang menor de edad na lalaki ang nasaktan matapos tamaan ng boga.

Isa ring babae ang tinamaan ng kuwitis sa binti.

Sa kabuuan, 17 biktima na ng paputok ang naitala ng pulisya sa Tanjay. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News