Patay ang isang 34-anyos na motorcycle rider matapos siyang sumalpok sa isang papalikong SUV na minamaneho ng isang senior citizen sa Visayas Avenue sa Barangay Vasra, Quezon City.

Sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente pasado 6 a.m. nitong Biyernes.

Mapanonood sa CCTV na papaliko na ang SUV habang paparating naman ang isang motorsiklong bukas ang headlights mula sa malayo.

Ilang saglit pa, kumaliwa ang SUV kaya nasapul nito ang nagdire-diretsong motorsiklo. Tumalsik ang motorsiklo at tumilapon sa kalsada ang rider.

Dahan-dahan namang nabangga sa center island ang SUV.

“Naka-hazard light na po, ngunit hindi po siya napansin ng kotseng nakaparada sa harap ng Jordan, sa kanto. Nu’ng paparating na po siya, bigla pong nag-U-turn ang kotseng nakaparada, kaya po natumbok 'yung biktima, 'yung rider po,” sabi ni Flordeliza de Ocampo, BPSO ng Barangay Vasra.

Dead on arrival sa ospital ang lalaking rider, base sa police report.

“Wala na po siyang malay at hindi na po siya nag-re-respond. Tinaas po namin ang kamay niya, ngunit babalik po, babagsak na po siya. Agad po nilang [kinuha ang] vital status niya, then nag-pump na po. Wala pa rin pong response,” sabi pa ni de Ocampo.

Hindi naman nagbigay ng kaniyang panig sa mga awtoridad ang driver ng SUV na isang lalaking senior citizen na edad 64, batay sa police report.

Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng reklamo habang nasa Sector 6 ng QCPD ang mga sasakyan.

Sa Barangay Lower Jasaan, Misamis Oriental naman hapon ng Disyembre 29 nang lumiko ang isang multicab na may kargang mga galon ng tubig.

Ilang saglit pa, bigla na lamang itong nabangga ng isang humaharurot na motorsiklo.

Natumba at nagtamo ng minor injuries ang dalawang sakay ng motor na isang 21-anyos na lalaking rider at angkas niyang lalaking 12-anyos.

Sinabi ng pulisya na kukuha lang ng bigas ang rider at kanilang angkas para sa kanilang simbahan.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga sangkot na ayon sa pulisya, nagkaaregluhan na. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News