Naglabas ng magkasamang pahayag ang Department of Trasportation at Metro Rail Transit Line 3 para humingi ng paumanhin sa nag-viral na tagpo sa MRT-3 Cubao station na nagsisiksikan na ang mga pasahero nitong Lunes ng umaga.

“The DOTr-MRT-3 sincerely apologizes to our passengers for the congestion and inconvenience they experienced yesterday morning, January 5, around 7:25 a.m.,” saad sa pahayag na naka-post sa kanilang Facebook account.

“We acknowledge the concerns raised from the video circulating online and recognize that passengers were allowed to access the platform despite existing congestion, resulting in overcrowding when the incoming train arrived. We fully understand the discomfort and safety concerns this has caused and take responsibility for the situation,” patuloy nito.

Pinaiigting umano ng kanilang mga tauhan ang pagbabantay at koordinasyon sa lugar upang mapabuti ang crowd management at matiyak ang mas ligtas at mas maayos na biyahe, lalo na sa rush hours.

Inatasan din umano ni Transportation Secretary Giovanni Lopez si MRT-3 General Manager Michael Capati, na ipatupad ang lahat ng kinakailangang hakbang upang hindi na muling mangyari ang naturang insidente.

“We thank the public for their patience and understanding as we work to improve our services,” ayon pa sa pahayag.

Sa viral video, makikita na patuloy ang pagakyat ng mga pasahero sa southbound platform ng MRT Cubao Station bandang 7:25 noong Enero 5 sa kabila ng napakarami nang tao.

Ayon kay YouScooper Arvin Joseph, halos 30 minuto na siyang nakapila nang mapansin niya ang pagdami ng mga taong paakyat sa platform.

Aniya, umabot sa punto na nagsisingitan at nagsisiksikan na ang mga pasahero sa platform hanggang sa nagkagulo na ang ilan para lamang makasakay sa tren. – FRJ GMA Integrated News