Isang araw matapos pakawalan ng mga pulis, natagpuang patay sa kaniyang bahay sa Cagayan de Oro City ang isang 16-anyos na lalaki na naunang nadakip dahil sa umano'y sangkot sa “rent-tangay” modus.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nadakip ang binatilyo sa Osmeña Street sa Cagayan de Oro noong tanghali ng Lunes, matapos siyang makita mismo ng may-ari ng sasakyan.
Ayon sa may-ari ng sasakyan, December 28, 2025 nang rentahan ang kaniyang sasakyan at hindi na ibinalik sa petsa na kanilang napagkasunduan.
Sinabi pa ng may-ari na nakilala niya ang suspek sa isang carwash shop sa Opol, Misamis Oriental.
Lumilitaw din na gumamit umano ng mga pekeng identification card ang binatilyo.
Natunton umano niya ang sasakyan sa pamamagitan ng GPS nito na plano na umanong ipatanggal ng suspek. Ilang accessories din umano ng sasakyan ang nasira.
Naniniwala ang may-ari ng sasakyan na nabiktima siya ng binatilyo ng “rent-tangay” modus.
Gayunman, pinakawalan ang binatilyo matapos makausap ng may-ari ng sasakyan ang suspek at magulang nito na babayaran ang mga pinsala sa sasakyan at ang mga araw na ginamit ang sasakyan.
Pero nitong Martes, nakita siyang walang buhay sa kanilang bahay. Wala pang detalye na inilalabas ang pulisya tungkol sa dahilan ng pagkamatay ng binatilyo.
Pinayuhan naman ni Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) spokesperson, Police Capt. Emilita Simon, ang publiko, lalo na ang mga negosyante na tiyakin ang pagkatao ng kanilang mga katransaksyon.—FRJ GMA Integrated News
