Sumuko na ang person of interest (POI) sa pagkamatay ng isang babaeng natagpuan sa loob ng isang storage box sa ilalim ng isang tulay sa Basud, Camarines Norte, ayon sa pulisya nitong Miyerkules.

Sinabi ni Basud Police chief Police Captain Mark Armea na ang pagsuko ng POI ay resulta ng pagsasanib-puwersa awtoridad, mga lokal na opisyal, at ng publiko.

“Dahil sa concerted efforts, nakumbinsing sumuko sa kapulisan ang POI [sa] bangkay ng babaeng isinilid sa storage box at itinapon sa tulay sa Basud,” sabi ni Armea sa isang Facebook post.

Natagpuan ang storage box na naglalaman ng bangkay sa isang ilog sa Barangay Pinagwarasan noong Enero 2, ayon sa pulisya.

Nitong Martes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Anelis Agocoy, 38, residente ng Catarman, Camiguin, matapos silang makatanggap ng tawag mula sa kaniyang kaibigan.

Nakilala ng isang saksi ang suspek, ayon sa pulisya.

Nitong Martes, naglabas ng isang composite sketch ng suspek ang pulisya.

Nakatulong din sa imbestigasyon ang barcode ng tape na nakitang ginamit para isara ang storage box nang isakay ito sa bus mula sa Laguna, at nasa loob ang bangkay. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News