Inutusan ng Department of Transportation (DoTr) ang Land Transportation Office (LTO) na suspendihin ang pagkumpiska sa driver's license ng mahuhuling motorista na nakagawa ng traffic violations. Binago rin ang patakaran sa bilang ng araw kung kailan dapat maayos ng motorista ang kaniyang kaso.
Sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na ang kautusan ay alinsunod umano sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pasimplehin at linawin ang mga pamamaraan sa paghuli sa mga lumalabag na motorista na kinukumpiska ang mga lisensya sa pagmamaneho.
Sa isang memorandum na inilabas ngayong Biyernes, iniutos ni Lopez ang pansamantalang pagtigil sa pagkumpiska, at repasuhin ang lahat ng kaugnay na kautusan upang matiyak ang pagkakapare-pareho ng lahat ng mga polisiya.
Inamyendahan din ang patakaran sa pag-aayos sa traffic apprehension cases, at pinalitan ang palugit mula sa “15 calendar days” na ginawang “15 working days” upang mabigyan ng sapat na panahon ang pamahalaan at publiko para maresolba ang kaso.
“Ibig sabihin po nito, hindi kasama ‘yung mga holiday at long weekend sa bilang ng araw kapag magse-settle ng violation ‘yung driver,” anang kalihim.
Bagama’t hindi na kukumpiskahin, ilalagay naman sa alert status ang mga lisensya sa pagmamaneho ng driver na mahuhuling lumabag sa batas trapiko.
Inatasan din ang LTO na mahigpit na ipatupad ang awtomatikong suspensyon o pagbawi ng lisensya sakaling mabigo ang driver na ayusin ang kaso sa loob ng 15 araw ng trabaho.
Nakasaad na epektibo kaagad ang implementasyon ng memorandum. – FRJ GMA Integrated News

