Isa ang pugita sa mga lamang dagat na makikita sa mga hitik na coral reef o bahura sa karagatan. Ngunit sa Anilao, Batangas, samu’t saring mga pugita ang nagpakita ng kanilang pambihirang abilidad.

Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” unang bumungad ang common octopus, na may kakayahang magpalit ng kulay bilang depensa sa kanilang mga kalaban.

Ilang saglit pa, nagpakita rin ang isang Mimic Octopus, na kayang manggaya ng halos 15 klase ng hayop, gaya ng paggalaw at paglalakad ng mga marine crab. Kaya rin nitong gayahin ang galamay ng lionfish.

Kinamanghaan naman ng team ng “Born To Be Wild” ang nadokumento nilang isang pambihirang Blanket Octopus, na tila sumasayaw sa pagsabay ng agos ng tubig. Maya-maya pa, ibinuka nito ang kaniyang galamay na parang kumot.

Maya maya pa, may nagpakita ring isang Big Blue Octopus, na dahan-dahang iniunat ang galamay at ipinasok sa butas para makakuha ng maliliit na isda.

Bukod sa mga pugita, namataan din ang mga clownfish na bantay-sarado sa kanilang mga itlog. Pagkatapos mangitlog ng mga babaeng clownfish ng 100 hanggang 1,000 na mga itlog, babantayan naman ito ng mga lalaking clownfish hanggang sa ma-fertilize ang mga ito.

Sa pagsisid ng team, nakunan ang pag-atake ng isang grupo ng 3-Spot Domino Damselfish sa anemone na tinitirahan ng mga clownfish. Hindi nagpatalo ang matatapang na Clownfish, na tinaboy palayo ang damselfish sa kanilang tirahan para protektahan ang mga itlog na magpapatuloy ng kanilang lahi.

Itinampok din ang isang frogfish, na parang bato o parte lang ng bahura sa unang tingin.

Hindi man gumagalaw pero bigla itong nananakmal kaya ito tinatawag na “ambush master” na kumakain ng mga maliliit na isda.

Nakapuwesto sila sa matitingkad na bahagi ng corals at matiyagang naghihintay ng kanilang target. Maliliit ang kanilang mata ngunit matalas ang kanilang paningin at pakiramdam.

Sa loob lamang ng anim milliseconds o mas mabilis pa sa isang kisapmata, kaya nitong lamunin ang prey.

Bihirang lumangoy ang mga Frogfish, kaya ginagamit ito ang pelvic at pectoral fins para maglakad. May abilidad din silang magpalit ng kulay bilang camouflage na kanilang depensa sa dagat at paraan para makapag-adjust sa paligid. Tunghayan sa video ang magagandang nilalang sa karagatan. – FRJ GMA Integrated News