Isa ang nasawi at 30 pa ang hinahanap matapos gumuho ang bahagi ng bundok ng mga basura sa isang landfill site sa Barangay Binaliw sa Cebu City nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni GMA Regional TV’s Lou-Anne Mae Rondina sa GMA News “Saksi,” sinabing karamihan sa mga biktima ay mga manggagawa sa naturang private landfill.
Ayon sa awtoridad, siyam na ang nasagip mula sa tumabon na mga basura sa isang pasilidad pero nasawi ang isa habang ginagamot sa ospital.
Sa harap ng isinasagawang rescue operation, nagkaroon ng tensyon sa mga pamilya ng mga manggagawa at mga security guard ng landfill dahil tanging mga rescue personnel lang ang puwedeng pumasok sa lugar.
Mataas ang emosyon ng mga kaanak ng mga pamilyang may kamag-anak na nagtatrabaho sa loob dahil nais nilang makakuha kaagad ng impormasyon.
Sinabi ni Cebu City Councilor Joel Garganera na hindi madali ang isinasagawang pero tuloy-tuloy itong isinasagawa.
Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV, inihayag ni Cebu City Mayor Nestor Archival na kaagad na ipinadala sa lugar ang disaster response teams at first responders para sa “immediate response, rescue operations, and assessment” para matiyak ang kaligtasan ng mga tao doon.
“We ask the public to remain calm ug palihug likayi una ang area aron makalihok og tarong ang atong responders,” dagdag ng alkalde.
Nanawagan din siya sa publiko na maging responsible sa pamamahagi ng mga impormasyon tungkol sa insidente at mga verified information lamang ang ihayag. -- FRJ GMA Integrated News

