Madaling dinispatsa ni Alex Eala ang kalabang si Petra Marcinko sa Round of 16 upang umusad sa quarterfinals ng ASB Classic single sa Auckland, New Zealand. Wala ring pagod na nakalusot si Alex at katambal niyang si Iva Jovic sa ASB Classic doubles semis via walkover.

Sa laban nitong Huwebes, pinatalsik ni Eala ang Croatian na si Marcinko sa iskor na 6-0, 6-2.

Sa unang set, kumamada agad si Eala ng 3-0 sa loob ng 10 minuto, at tinapos ang laban sa 6-0 pagkaraan lang ng 22 minuto. 

Sunod na kakaharapin ni Eala ang sinuman sa mananalo sa laban nina Magda Linette at Elisabetta Cocciaretto.

"I feel amazing. I'm so happy with how I was able to compete and handle the different situations on court. It's never easy to play Petra," ayon kay Eala.

Tumagal naman ng mahigit isang oras ang laban para sa dalawang set, at maitala ang ikalawang sunod niyang panalo sa women’s single. Unang tinalo ni Eala ang Croatian din na si Donna Vekic.

Samantala, umusad naman sa ASB Classic doubles semis sina Eala at katambal niyang si Iva Jovic via walkover, kontra kina Jesika Maleckova at Renata Zarazua.

Hindi pa malinaw kung ano ang dahilan kung bakit hindi na naglaro sina Maleckova at Zarazua.

Sunod naman na kakaharapin nina Eala at Jovic ang third-seeded pair mula sa China na sina Yifan Xu at Zhaoxuan Yang sa Sabado.-- Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News