Nakabalik na sa Quiapo Church ang Poong Jesus Nazareno mula sa Quirino Grandstand sa Lungsod ng Maynila nitong Sabado, na siyang kumukumpleto sa tradisyonal na Traslacion pagkatapos ng halos 31 oras, na siyang pinakamahabang prusisyon sa kasaysayan.

Pumasok ang poon sa gate ng Simbahan ng Quiapo noong 10:50 a.m., na nagmamarka ng pagtatapos ng Traslacion ngayong taon na dinaluhan ng 9,640,290 mga deboto, ayon sa mga oras at bilang na inilabas ng mga opisyal ng simbahan.

Nagsimula ang Traslacion ngayong taon sa Quirino Grandstand noong 4 a.m. nitong Biyernes at tumagal ng 30 oras, 50 minuto, at isang segundo.

"Ito na ang pinakamahabang selebrasyon ng Traslacion,” sabi ni Quiapo Church communications coordinator Silgen Cabrito sa isang mensahe sa mga reporter.

Ang nakaraang Traslacion noong 2025 ay tumagal ng 20 oras at 45 minuto at dinaluhan ng humigit-kumulang 8.1 milyong deboto, ayon sa pagtatantya ng pulisya.

Bottleneck

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na ang pinakamahabang bottleneck ngayong taon ay sa 832-metrong kahabaan mula Arlegui hanggang Duque de Alba hanggang Castillejos. Tumagal ng siyam na oras at 50 minuto ang pagdaan ng andas.

Sinabi ng mga opisyal ng simbahan nitong Biyernes na mas mabagal ang takbo ng Traslacion sa ruta nito dahil sa pagtitipon-tipon ng mga deboto sa harap ng andas, o ang karuwahe na may dalang imahen ni Jesus Nazareno.

Mabilis pa ang takbo ng prusisyon noong una, na kagaya rin sa bilis nito noong 2024 na humigit-kumulang isang kph mula sa Quirino Grandstand hanggang sa National Museum.

Kalaunan, bumagal ito sa pagdami ng mga tao. Ang isang kilometrong kahabaan mula Finance Road hanggang Ayala Boulevard patawid sa Ayala Bridge, halimbawa, ay umabot ng mahigit anim na oras para makumpleto—mas mabagal kaysa noong nakaraang taon.

Naputol pa ang isang lubid na nakakabit sa andas habang papalapit ang prusisyon sa Quezon Boulevard nitong Biyernes ng hapon.

Ayon sa Simbahan ng Quiapo, nangyari ang insidente bandang 2:50 p.m. hanggang 3 p.m., ngunit kalaunan ay naibalik ang lubid.

Mga naitalang pagkamatay

Apat katao ang napaulat na nasawi umano sa gitna ng Traslacion sa Maynila, ayon sa administrasyon ng Simbahan ng Quiapo.

Hindi pa naglalabas ng karagdagang impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa mga pagkamatay na ito, ngunit kinumpirma ng NCRPO na hindi kasama sa listahan ang photojournalist na pumanaw noong Biyernes habang nagbabalita sa prusisyon, ayon kay Jhomer Apresto, reporter ng GMA Integrated News.

Ayon din sa mga opisyal ng simbahan, hindi kasama rito ang photojournalist na nasawi sa aktibidad na pangrelihiyon.

Binanggit ni Padre Robert Arellano, tagapagsalita sa Nazareno 2026, ang dati nang kondisyong medikal ng indibiduwal. Binigyang-diin niya na ang insidente ay hindi nangyari sa aktuwal na prusisyon.

‘Generally peaceful’

Batay sa mga datos ng Simbahan ng Quiapo, may kabuuang 1,057 na mga kasong medikal ang naitala sa pagdiriwang.

Walang mga insidente ng banta sa kaligtasan, kapayapaan at kaayusan, at seguridad ang naitala sa opisyal na talaan. Gayunman, naiulat ang mga insidente ng pandurukot ng maraming deboto sa GMA Integrated News.

Sa isang pahayag noong Sabado, sinabi ng PNP na ang Traslacion ngayong taon ay "generally peaceful and orderly," samantalang binibigyang-pansin ang mga naiulat na pagkamatay sa pagdiriwang.

"Overall, we consider the Traslacion generally peaceful and orderly despite the sheer volume of devotees," sabi ni PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.

Humigit-kumulang 18,000 tauhan ng pulisya ang ipinadala para pangalagaan ang taunang aktibidad pangrelihiyon, kasama ang mga contingent mula hanay ng Central Luzon at Calabarzon police upang suportahan ang pulisya ng Metro Manila.

Nagpahayag ng pakikiramay si Nartatez sa pagkamatay ng dalawang deboto at ng photojournalist na nagbabalita sa kaganapan.

"We are deeply saddened by these reports. Our thoughts and prayers are with the family of the deceased. While the Traslacion was generally orderly, even a single loss of life is a serious matter for us," aniya.

"This serves as a solemn reminder of the physical risks involved in massive gatherings, and we will further strengthen our crowd management, medical coordination, and safety measures in future events," sabi ni Nartatez.

Mga kasong medikal

Tinugunan naman ng Department of Health (DOH) ang mahigit 1,000 alalahanin sa kalusugan ng mga mananampalataya para sa Traslacion 2026. Sinabi ng DOH na ang bahagyang bilang ng mga konsultasyon sa kalusugan sa mga medical team ng DOH ay umabot na sa 1,019 noong 11 a.m.

Sa kabuuang mga kaso, 390 ang mga binigyan ng lunas para sa mga sugat na natamo dahil sa pagkasagi o pagtapak sa kanila ng iba pang deboto at pagkaipit o pagkahulog mula sa andas.

Sinabi ni DOH Secretary na si Teodoro Herbosa na ang mga numero ay nagpapahiwatig pa rin na ang karamihan sa mga alalahanin sa kalusugan na ginagamot ay mga kondisyong medikal.

“As the procession goes later, hinihimatay na hindi nakakain because of the fatigue kung mahina ang katawan mo ngayon. 300 of the 1,000 [cases] lang ang trauma… So that means the rest are probably medical,” sabi niya.

Samantala, sinabi ng Philippine Red Cross (PRC) na hanggang 7:30 a.m. noong Sabado, ang mga tauhan at boluntaryo nito ay nakapagbigay na ng tulong sa 849 na pasyente simula noong Huwebes.

Batay sa bilang, 19 na indibiduwal ang nangangailangan ng karagdagang pangangalagang medikal at naihatid sa mga ospital.

May kabuuang 2,204 deboto ang nabigyan ng welfare assistance sa ruta ng Traslación sa loob ng 48 oras na operasyon ng PRC. —VBL GMA Integrated News