Naglabas din ng warrant of arrest ang korte sa Lipa, Batangas laban sa negosyanteng si Atong Ang at iba pa kaugnay ng mga kaso ng kidnapping with homicide tungkol sa nawawalang mga sabungero.

Ayon sa Lipa Regional Trial Court Branch 13, walang piyansa ang naturang kaso kaya madedetine ang akusado habang dinidinig ito sa hukuman.

Kamakailan lang,  isang korte rin sa Laguna ang naglabas ng mga warrant of arrest laban kay Ang at iba pa, na wala ring inilaang piyansa.

Sinimulan na ng Philippine National Police ang pagpapatupad ng warrant noong Miyerkoles.

Samantala, hiniling ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang pag-isyu ng Interpol red notice laban kay Ang.

Naghayag si Interior Secretary Jonvic Remulla na may nakalaang P10 milyong pabuya para sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon upang madakip si Ang na patuloy na pinaghahanap.

Premature?

Naunang inilarawan ni Atty. Gabriel Villareal, abogado ni Ang, ang desisyon ng korte sa Laguna, na "premature" at "legally questionable," dahil bigo umano itong matugunan ang mga pamantayan ng konstitusyon na dapat sanang nasunod kaugnay ng mga pangyayari.

"Clearly, the court merely acted on the incomplete and one-sided information provided by the Department of Justice (DOJ) in its determination of probable cause, without having even seen the counter affidavits and exculpatory evidence of the respondents, including that of Mr. Ang," sabi ni Villareal.

Idinagdag pa niyang nilalabag ng hakbang ang mga karapatan ni Ang at wala itong batayan sa konstitusyon. Gagamitin daw nila ang lahat ng mga legal na paraan para bigyan si Ang ng pagkakataong kuwestiyunin ang arrest order.

"Even as we regret that the court has apparently chosen to disregard our plea for fairness and observance of the tenets of due process, we will continue to avail of the remedies available to us and accordingly deal with the processes of the court," sabi ng abogado ni Ang.

Iginiit din ni Villareal na inosente si Ang sa lahat ng mga paratang na ibinato ng self-confessed whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, na sinabing si Ang ang utak sa pagkawala at umano’y pagpatay sa nawawalang mga sabungero.

Sa halip, iginiit ni Villareal na nais lang ni Patidongan na pagtakpan ang kasalanan nito at ang dati niyang amo na si Ang ang idinidiin sa kaso.

“It is unfortunate that the DOJ has allowed itself to become a witting instrument of Patidongan’s manipulations aimed at absolving himself of legal culpability at the expense of Mr. Ang,” sabi ni Villareal.

Dagdag pa niya, walang pisikal na ebidensiya ang ipinakita ng DOJ para iugnay si Ang sa kaso at tanging ang salaysay ni Patidongan lamang ang pinagbasehan.

“This case was built on haste and from the beginning and the intent to use our client as a diversion has now become apparent,” giit ng abogado.—Joahna Lei Casilao/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News