Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes na hindi bibigyan ng special treatment ang dating senador na si Ramon Bong Revilla Jr., na sumuko matapos mag-isyu ang Sandiganbayan sa kaniya ng arrest warrant kaugnay ng ghost flood control project umano sa Bulacan.
“I assure you walang magiging special treatment," sabi ni Remulla sa isang press briefing.
Inihayag pa ni Remulla na personal siyang tinawagan ni Revilla matapos nitong malaman ang tungkol sa arrest warrant na inisyu laban sa kaniya.
“Tumawag siya sa akin kahapon… sabi ko best na mag-surrender ka na," ani Remulla.
Sinabi ni Remulla na sumuko si Revilla sa Camp Crame sa pagitan ng 8 p.m. hanggang 10 p.m., nitong Lunes, at agad isinailalim sa standard booking at custodial procedures.
Sinabi pa niyang sumailalim ang dating senador sa mga procedure gaya ng ibang mga nakadetene at binasahan ng kaniyang mga karapatan sa kaniyang pagdating.
“He was made to go through the entire process kung paano magtanggap ng isang voluntary surrender," ani Remulla.
Bilang bahagi ng proseso, hiniling din kay Revilla na isuko ang kaniyang lisensyadong mga armas, na 20 sa kabuuan, kabilang na ang mga mahahaba at maiikling armas.
Dinala si Revilla sa Sandiganbayan nitong Martes ng umaga para sa pagbabalik ng warrant. Batay sa inilabas na commitment order ng korte, ikukulong si Revilla sa New Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas.
Hiniling naman ng kampo ni Revilla na madetine sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Nilinaw ni Remulla na wala na sa pagpipilian ang PNP Custodial Center, dahil bubuwagin na ito para sa itatayong bagong Philippine National Police headquarters.
“Hindi na pwede. It’s up for demolition anytime this month," sabi niya.
Bago isuko ang sarili Lunes ng gabi, nagbigay ng mensahe si Revilla sa kaniyang mga tagasuporta sa Facebook Live, at inihayag ang kaniyang pagkadismaya sa tinatawag niyang “lack of due process” na humantong sa pag-i-isyu ng arrest warrant at hold departure order (HDO) laban sa kaniya.
Nanindigan ang dating senador na haharapin niya ang mga paratang laban sa kaniya nang walang takot, at dagdag pa niyang kampante siya na hindi siya pababayaan ng Panginoon.
Humingi rin ang dating senador ng panalangin para sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
6 sa 7 mga akusado nasa kustodiya na
“Out of the six other accused, lima ang nasa custody na galing sa DPWH. Isa na lang ang malapit na namin mahuli (Out of the six other accused, five of those already in custody are from the DPWH. Only one remains at large, and we are close to arresting her)," sabi ni Remulla.
Bukod kay Revilla, arestado o nakadetene na sina:
- former DPWH Bulacan First District Engineering Office (DEO) assistant district engineer Brice Hernandez;
- former DPWH Bulacan First DEO Engr. Jaypee Mendoza;
- former DPWH Bulacan First DEO Engr. Arjay Domasig;
- former DPWH Bulacan First DEO finance section chief Juanito Mendoza, at
- DPWH Bulacan First DEO cashier Christina Pineda
Dinakip si Pineda sa isang checkpoint malapit sa Sagada habang tinatangkang iwasan umano ang mga awtoridad.
“Nahuli siya sa may Sagada. Tumakas at nahuli siya," sabi ni Remulla.
Si dating DPWH Bulacan First DEO Engr. Emelita Juat na lamang ang patuloy na pinaghahanap.
Saad ng hepe ng DILG na kasama sa enforcement operations ang koordinasyon sa pagitan ng Philippine National Police, Department of Public Works and Highways, at iba pang ahensiya ng gobyerno. —VBL GMA Integrated News

