Sumiklab ang sunog sa isang residential area nitong Sabado sa Barangay Tejeros, Makati City. Isang mag-asawang senior citizens, patay matapos ma-trap sa kanilang bahay.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente ng madaling araw, kung saan hindi bababa sa 126 pamilya o halos 400 indibiduwal ang nawalan ng tirahan, ayon sa mga awtoridad.

Halos walang nailigtas na gamit ang mga nasunugan dahil una nilang iniligtas ang kanilang pamilya at mga alagang hayop.

Si Rein Diosana, nagtamo ng mga galos sa binti matapos tumalon sa creek na dala-dala ang kaniyang anim na taong gulang na apo.

“Nanghihina ka kasi wala kang gamit. Hindi mo alam kung saan mag-umpisa ulit, kung saan na makatira,” sabi ni Rein.

Anim ang sugatan sa insidente.

Na-trap sa natupok nilang bahay ang mag-asawang senior citizens at hindi pinalad na makaligtas.

Hindi muna nagbigay ng panayam ang kanilang mga kaanak.

“Bedridden na ‘yung isa raw. Hawak daw ng apo. Sabay silang bumaba pero naiwan talaga dahil mabilis na kumalat ang apoy. Hindi na kaya,” sabi ni SFO1 Jomhar Tuburan, Fire Investigator ng Bureau of Fire Protection Makati.

“Tumutulong tayo pagdating doon sa mga funeral arrangements, kung saan ibuburol din ‘yung mag-asawa na hindi pinalad at hindi nakalabas dito sa sunog na ito,” sabi naman ni Mayor Nancy Binay.

Sinabi ng BFP na agad kumalat ang apoy dahil sa mga dikit-dikit na bahay na mga gawa sa light materials. Makitid at may mga nakaparadang sasakyan din ang mga daan sa lugar.

Tumagal din sa pag-responde dahil iba umano ang unang isinumbong sa mga awtoridad.

“As per PNP, nai-report sa kanila kasi ang akala ay kaguluhan lang. ‘Yung unang sumabak dito ‘yung bumbero, malaki na ‘yung apoy,” sabi ni Tuburan.

Tinatayang halos P2 milyon ang halaga ng pinsala.

Posibleng pinanggalingan ng sunog ang isang bahay na matagal na umanong walang kuryente.

“May posibilidad na gumamit sila ng pang-ilaw na puwedeng kandila, puwedeng gasera, puwede ring sigarilyo,” sabi ni Tuburan. Umabot ang apoy sa ikatlong alarma bago naapula mag-7 a.m. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News