Itinanggi ng Malacañang ngayong Lunes ang mga post sa social media na sasailalim umano sa operasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa diverticulitis.

Sa isang press briefing, tinawag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, na “fake news” ang naturang impormasyon, at sinabing nasa isang pagpupulong ang Pangulo nang mga sandaling iyon.

"Wala pong ganoong balita na maibibigay po tayo dahil ngayon po, ang Pangulo ay nasa meeting. So, iyan po ay fake news," ani Castro sa mga mamamahayag.

Ayon pa kay Castro, maayos ang kondisyon ng Pangulo matapos siyang isailalim sa medical observation noong nakaraang linggo dahil sa diverticulitis, o ang pamamaga ng mga abnormal na umbok (pouches) sa dingding ng malaking bituka.

Nang tanungin kung magpapakita sa publiko ang pangulo, tugon ni Castro: "Iyong pagmi-meeting po ngayon...malamang po ay mai-post ito para po mapakita natin na ang Pangulo po ay nasa maayos na kundisyon."

Noong Enero 22, naglabas si Marcos ng isang video message upang tiyakin sa publiko na maayos ang kaniyang kalagayan. Inihayag din niya na hindi banta sa buhay ang kaniyang karamdaman.— Sundy LocusFRJ GMA Integrated News