Dahil sa angking galing niya sa lettering, tatlong dekada nang ikinabubuhay ng isang tatay ang pagpipinta ng mga signboard ng mga pampasaherong jeepney. Pero hindi niya inakala na papatok nang sundin niya ang mungkahi na gawin niya rin itong keychain.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Tatay Enrico “Rico” Briones, na madalas gumuhit ng mga sign board sa jeep na “Quiapo España,” “EDSA Cubao” at “Angono Palengke.”
“Senior year pa lang ako, nag-umpisa na ako mag-lettering. Pero 'yung idea ng pagtitinda ng signboard, wala pa akong idea doon,” kuwento niya.
Third year high school si Tatay Rico nang ipakilala siya ng isang kaibigan sa isang illustrator sa publishing house at doon siya rumaket.
Hanggang sa nakarating na ang hilig ni Tatay Rico sa pagguhit sa advertising at munisipyo.
Noong magretiro na sa mga pinapasukang trabaho, nagpasiya si Rico na gawing full-time ang paggawa ng signboard at ilako ang mga ito sa kalsada.
“Mas madalas 'yung mahina ang benta. Mas madalas 'yun kesa sa maganda ang benta. Lalo na pagka umagang umaga, ang mga driver wala pang buena mano, kalimitan, nahihiram pa nga 'yung signboard natin na 'yun eh. E ayun, siguro nalilimutan na nila na meron silang kinuha ng signboard sa akin,” sabi ni Tatay Rico.
Nang nagkapandemya, dumating pa ang problema kay Tatay Rico nang hindi siya makalabas noon para makapaglako ng signboard.
Kaya naisip niyang i-post ang mga likha niya sa social media, at na-monetize.
Sa pagdami ng kaniyang followers, nag-isip si Tatay Rico kung paano magiging kakaiba ang kaniyang mga obra.
Hanggang sa noong 2024, isang kostumer ang nagbigay sa kaniya ng ideya na gumawa ng mga keychain.
“So 'yung mga keychain na yan, 'yung mga customized, ayun hanggang sa nag-click nga, kaya natigil na ako ng pagtitinda ng signboard,” ani Tatay Rico.
Parang gumuguhit lamang din si Tatay Rico sa signboard sa tuwing gumuguhit sa keychain. Pero mas maliit at mas madali itong gawin.
Sa halagang P35, pumatok at pinakyaw ng mga kostumer ang kaniyang mga keychain.
Karamihan na ng kaniyang mga kostumer ay mga commuter.
Dahil nagkakaedad na, hindi na niya maoohan ang demand at ilang bulk orders.
Gayunman, malaki ang pasasalamat ni Tatay Rico at nasusuportahan ng kaniyang talent ang kaniyang pamilya. Ang kaniyang bunso, ga-graduate na sa kursong Information Technology.
Tunghayan sa “Good News” ang pagtuturo ni Tatay Rico ng kaniyang pagguhit sa isang young artist. Panoorin ang video. – FRJ GMA Integrated News
