Patay na nang matagpuan sa Victoria, Tarlac ang 8-anyos na nawawalang anak ng policewoman na unang nakita ang bangkay sa Pulilan, Bulacan noong Enero 24, 2026.

Huwebes ng hapon nang unang makatanggap ng impormasyon na isang bangkay ang natagpuan ng mga awtoridad sa Barangay Maluid sa Victoria. Pero hindi pa matiyak kung ito ang nawawalang anak ng pinaslang na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido.

Unang nakita ang bangkay ni Mollenido sa isang creek sa Pulilan-Baliuag Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon sa Pulilan noong Enero 24, na may tama ng bala sa ulo.

Kinagabihan nitong Huwebes, iniulat ni GMA Integrated News reporter Bea Pinlac na inihayag ni Victoria Chief of Police Major Marty Calara, na kinumpirma umano ni Police Senior Master Sergeant John Mollenido, dating mister ni Mollenido, na ang anak nila ang nakitang bangkay.

Patuloy pa ang imbestigasyon para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Sa isang ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni John na nauunawaan niya na kasama siya sa mga person of interest ng pulisya sa kaso.

“Kasi ‘yun nga, dati kong asawa. May mga bagay na di namin napagkakaunawaan. Naawa ako kasi doon sa sinapit niya, di naman niya deserve yung ganung ano,” ayon kay John.

Samantala, isang car sales agent din ang person of interest sa kaso dahil na rin sa impormasyon na nagbenta ng sasakyan ang biktima.

“Since nagkaroon ng transaction, tinitingnan natin ang anggulo na dahil po ito sa pera,” Southern Police District spokesperson Lieutenant Margaret Panaga. 

Napag-alaman ng pulisya na inaanak sa kasal ng biktima ang naturang ahente.

“Inaanak ng victim sa kasal ‘tong agent po. ‘Yung trust po nandoon since kakilala po ni victim ‘tong si agent, siya po naging middle man sa pagbebenta ng sasakyan nila,” dagdag ni Panaga.

Nawawala sa ngayon ang naturang ahente pero pinasok ng mga pulis ang bahay nito sa Quezon City sa bisa ng search warrant, kung saan huling nakitang buhay ang biktimang pulis.

May nakita umanong bakas ng dugo sa bahay na ikukumpara sa dugo ng biktima. 

“For confirmatory pa po ‘yun kung ito po ay human blood. Ima-match po sa DNA ng victim,” sabi ni Panaga. – FRJ GMA Integrated News