Dinakip ang isang lalaki dahil sa pagdadala ng ilegal na baril sa ikinasang Oplan Galugad sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City. Ang babae niya namang live-in partner, huli rin dahil sa pangingialam sa operasyon.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nakatanggap sila ng tip na may armadong lalaki kaya nila agad pinuntahan ang lugar.
“Kasama 'yung mga operatiba natin, pumasok sa eskinita, nasalubong natin itong isang lalaki. So nu’ng nakita 'yung mga kapulisan, bigla itong tumakbo, nagkaroon ng habulan,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, Commander ng Talipapa Police Station Commander.
“Habang nakikipagbuno siya sa ating mga tropa, nahulog itong baril sa tagiliran niya. Protocol po natin ‘yan, dadaan sa ballistic examination at saka firearms identification para makilanlan kung mayroon bang lisensiya itong baril at saka kung nagamit na ba sa krimen,” dagdag ni Alejandrino.
Habang inaaresto ang lalaki, nakialam umano ang 30-anyos na kinakasama nitong babae.
Natuklasan ng pulisya na mayroong arrest warrant ang babae para sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na inisyu ng korte sa Quezon City.
“Kinunan natin ito ng identification, doon nalaman natin na mayroon pala itong standing warrant of arrest simula ng April 2022. So almost four years na itong nagtatago,” sabi ni Alejandrino.
Ika-14 na beses nang nahuli ng lalaking suspek na dating nasangkot sa mga kasong may kinalaman sa droga, pagsusugal at ilegal na baril.
“Sa korte ko na lang ipagtatanggol ang sarili ko,” sabi ng lalaking suspek.
Ikalawang beses namang nahuli dahil sa droga ang babaeng suspek.
“May business po ako, hindi ko po alam na may warrant pa ako,” sabi naman ng babaeng suspek.
Mahaharap ang lalaking suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, habang nakapag-return of warrant na rin ang pulisya at hinihintay na lang ang commitment order mula sa korte para sa babae. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
