“Asphyxia by suffocation” ang sanhi ng pagkamatay ng 8-anyos na si John Ysmael Mollenido, na nakita ang bangkay na nakabalot sa plastik sa Tarlac. Nadiskubre ang bangkay ilang araw matapos namang matagpuan sa Bulacan, ang bangkay ng kaniyang ina na isang pulis na may tama ng bala ng baril sa ulo.
Batay ito sa paunang resulta ng imbestigasyon ng SOCO, ayon kay Police Lieutenant Margaret Panaga, tagapagsalita ng Southern Police District (SPD).
“Batay sa paunang findings ng SOCO, ang sanhi ng pagkamatay ay asphyxia by suffocation. Ayon sa paunang ulat, mahigpit na nakatape ang mukha ng bata,” sabi ni Panaga sa GMA News Online.
Huwebes ng hapon nang makita ang bangkay ni Ysmael sa isang calamansi farm sa Victoria, Tarlac.
Kinilala ang bangkay ng kaniyang ama na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.
Enero 24, nang makita naman sa creek sa Pulilan, Bulacan ang 38-anyos na ina ni Ysmael na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido.
Huling nakitang buhay ang mag-ina noong Enero 16, at iniulat na nawawala ni John noong Enero 19.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Panaga na may kinatagpo na ahente ang mag-inang biktima sa Quezon City matapos magbenta ng isang sasakyan.
Napag-alaman na inaanak ni Diane ang ahente na hinahanap ng mga awtoridad na kabilang sa persons of interest sa kaso, kabilang si John.
Noong Miyerkoles, pinuntahan ng mga awtoridad ang bahay ng ahente sa Quezon City sa bisa ng search warrant at may nakitang bakas ng dugo.
Isasailalim sa eksaminasyon ang dugo upang alamin kung dugo ng biktima.
Ayon naman kay John, nauunawaan niya ang pagkakasama niya bilang POI sa kaso ng kaniyang mag-ina.
“Kasi ‘yun nga, dati akong asawa. May mga bagay na di namin napagkakaunawaan. Naawa ako kasi doon sa sinapit niya, di naman niya deserve yung ganung ano,” ani John.-- Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
