Isang lalaki ang nasawi matapos siyang masaksak sa inuman na nauwi sa rambulan sa Urdaneta, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali, lumabas sa imbestigasyon na may pinagseselosang lalaki ang kaibigan ng biktima.

Sa kanilang inuman, kinuha ng kaibigan ng biktima ang cellphone ng girlfriend nito at nagpadala ng mensahe ang pinagseselosang lalaki.

Sinabi nitong magkita sila sa isang lugar. At nang magkita na, doon na sumiklab ang rambol at nasaksak ang biktima.

Nadala pa sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Nadakip kalaunan ang suspek ngunit nakalaya matapos na payagan na magpiyansa.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News