Muling nakita ng mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) sa Calanasan, Apayao ang pambihirang wild jade vine o “tayabak.”
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nakita ang tayabak na humahaba ng ilang metro sa barangay Tanglagan at Langnao.
Endemic umano ang tayabak sa Pilipinas at karaniwang tumutubo sa mga tropical rainforest. Tila mga kuko o “claw” ang hugis ng mga bulaklak nito na kulay rare turquoise to jade-green.
Ayon sa Menro, ang pagkakakita ng tayabak ay indikasyon na masagana at maganda ang biodiverse ecosystem sa lugar.
Bihira na umanong makita ang naturang halaman dahil na rin sa unti-unting pagkawala ng mga paniki na nagsisilbing pollinators o tagapagpakalat nito.
Sa ibang lugar sa bansa, edible o puwedeng kainin ang tayabak, at ang dahon ay maaaring gawin ang tea. Nakakagamot din umano ito ng sakit ng tiyan at sugat sa katawan. – FRJ GMA Integrated News
