Iniurong na ng kamag-anak ng pinaslang na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido ang kasong kriminal laban sa dati niyang mister na pulis din kaugnay ng pagkamatay ni Diane at ng 8-anyos nilang anak na si John Ysmael.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ng National Police Commission (NAPOLCOM) na ang pag-urong ng kasong kriminal laban kay Police Senior Master Sergeant John Mollenido ay hindi makaaapekto sa isinasagawang administratibong imbestigasyon ng ahensiya laban sa pulis.

"The NAPOLCOM's investigation in the Mollenido case will continue in spite of the Motion to Withdraw Complaint filed by the sister of Mrs. Mollenido concerning PSMS John Mollenido,” sabi ni NAPOLCOM vice chairperson and executive officer Rafael Vicente Calinisan.

“What was currently withdrawn was merely the criminal aspect of the case, as far as the sister is concerned. It does not preclude the PNP to proceed with their investigation and file the appropriate criminal charges based on other evidence,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Calinisan na patuloy na aalamin ng NAPOLCOM kung nararapat pang manatiling pulis si John.

Una rito, naging person of interest si John sa nangyaring pagpatay sa kaniyang mag-ina. Sinampahan siya ng reklamong obstruction of justice.

Noong Enero 24, natagpuan ang bangkay ni Diane Marie sa Pulilan Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo.

Sunod na nakita noong Enero 29, ang bangkay ni John Ysmael sa isang calamansi farm sa Barangay Maluid sa Victoria, Tarlac.

Ayon sa pulisya, pinatay ang mag-ina kasunod ng transaksyon ni Diane sa inaanak nitong car dealer para sa pagbebenta ng sasakyan sa Quezon City noong Enero 16.

Sinampahan na ng reklamo sa piskalya ang mga nadakip na suspek, kabilang ang car dealer at asawa nito na dating pulis, at isa pang kasabwat.

Sumuko naman ang isa pang babaeng suspek na kapatid ng dating pulis.— Joviland Rita GMA Integrated News