Malubhang nasugatan ang isang 38-anyos na lalaki mula sa Panabo City, Davao del Norte matapos siyang barilin habang nagpapakuha ng litrato sa Abaga Ta Bayug Falls sa Talakag, Bukidnon. Hinala ng mga awtoridad, shotgun ang ginamit ng suspek sa pagbaril sa biktima.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, inihayag ng pulisya na base sa salaysay ng tour guide, bigla na lang silang nakarinig ng putok ng baril.
Kaagad umanong tumakas ang salarin habang bumagsak naman sa lupa ang biktima. Kaagad din siyang dinala sa ospital upang magamot.
Hinala ng awtoridad, shotgun ang ginamit na pagbaril sa biktima base sa mga tama ng bala na tinamo nito.
Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Major Joann Navarro, nagtamo ang biktima ng sugat sa mukha, tiyan at maging sa leeg.
Sinabi ng pulisya na maaaring konektado ang suspek sa isang grupong nais na sila ang mamahala sa naturang tourist spot. Napag-alaman ng mga awtoridad na may ilang grupo ang nagpapakita ng interes na mamahala sa lugar.
Natukoy na umano ng mga imbestigador ang ilang persons of interest.
Dahil sa insidente, pansamantalang sinuspinde ang pagtanggap ng bisita sa lugar. Gayunman, tiniyak ng PRO-10 sa publiko na ligtas ang mga tourist destination sa rehiyon. – FRJ GMA Integrated News
