Opisyal nang inutusan ng House justice panel nitong Huwebes si Bise Presidente Sara Duterte na sagutin ang mga alegasyon ng mga impeachable offense laban sa kaniya.

Itoy’s matapos maghain ng notice ang House committee na nag-uutos sa Pangalawang Pangulo na tugunan ang dalawang beripikadong reklamo ng impeachment na nakitaan nito ng “sufficient in form and substance.”

Sa isang Notice to Respondent na may petsang Marso 4, 2026 na nakadirekta sa Office of the Vice President sa Cybergate Plaza sa Mandaluyong City, inaatasan ng komite si Duterte na isumite ang kaniyang beripikadong sagot “within a non-extendible period of 10 calendar days” mula sa pagtanggap ng notice at maghain ng kopya ng kaniyang Verified Answer sa mga complainant sa loob ng parehong panahon, na hinihiling sa ilalim ng Section 6 ng mga patakaran ng Kamara.

Ang dokumento ay nilagdaan ng House committee on justice chairperson at Batangas Second District Rep. Gerville "Jinky Bitrics" Luistro.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Atty. Michael Poa, legal counsel ni Duterte, na natanggap na nila ang notice.

"We acknowledge receipt of the notice served today. At this point, we see no need to issue any further comment," sabi ni Poa.

Pangunahing inaakusahan ng mga reklamo ng impeachment ang Bise Presidente ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, bukod sa iba pa, dahil sa maling paggamit umano ng P612.5 milyon na confidential fund, at pagbabanta na papatayin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ang kaniyang pamilya. — RSJ GMA Integrated News