Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Biyernes na pansamantalang ipatupad ang four-day work week sa ilang tanggapan executive department simula sa Marso 9, 2026.

''Para naman sa bahagi ng pamahalaan, simula sa Lunes, ika-9 ng Marso, pansamantala nating ipapatupad ang four-day work week sa ilang tanggapan ng ehekutibo,'' anunsyo ni Marcos sa isang video message.

Bahagi ito ng gagawing pagtitipid sa enerhiya sa gitna ng kaguluhan sa Gitnang Silangan na nagtulak sa pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

''Hindi kabilang dito ang mga nagbibigay ng emergency o pangunahing serbisyo, gaya ng mga pulis, bumbero, at mga tanggapan na nagbibigay ng frontline services sa publiko,'' ayon kay Marcos.

Sinabi rin ni Marcos na pansamantalang ipagbabawal ang mga hindi kinakailangang biyahe at aktibidad tulad ng study tours at team-building activities.

''Pansamantala ring ipinagbabawal ang mga biyahe at aktibidad ng pamahalaan na hindi naman kinakailangan, gaya ng mga study tour, team-building activities, o mga meeting na maaari namang gawin online,'' anang pangulo.

Sa Memorandum Circular No. 114, kinakailangang magpatupad ng mahigpit na mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya upang mabawasan pa ang paggamit ng enerhiya sa operasyon ng gobyerno at mapahusay ang paggamit ng pondo.

"To further reduce building energy load and transport fuel use, agencies shall adopt a four-day onsite work arrangement, through a compressed workweek or a designated common day for work-from-home arrangements," nakasaad sa memo.

Ang hakbang ay alinsunod sa Civil Service Commission (CSC) Memorandum Circular No. 6 (s. 2022), na binago ng CSC MC No. 1 (s. 2025), at iba pang umiiral na mga patakaran at gabay para sa pagpapatupad ng flexible work arrangements.

"The adoption of a four-day onsite work arrangement shall be implemented starting 09 March 2026 and shall remain in effect until lifted or sooner revoked by the President. This arrangement shall serve as an interim measure, to be continued only until circumstances warrant its modification or discontinuance," ayon sa memo.

''For this purpose, all agencies are hereby directed to formulate their respective internal guidelines to ensure proper monitoring and documentation, including verification of attendance, and performance standards and monitoring mechanisms, in accordance with existing CSC laws, rules and regulations,'' dagdag nito.

Inatasan din ni Marcos sa lahat ng ahensya at iba pang sangay ng pambansang pamahalaan, kabilang ang mga GOCC, na bawasan ang kanilang konsumo sa kuryente at gasolina ng 10% hanggang 20%. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News