Nasawi ang isang 73-anyos na ina at anak niyang 39-anyos matapos silang makuryente sa kanilang taniman ng talong sa Patnongon, Antique.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang anak ang unang nakuryente nang mahawakan niya ang aluminum na nadikit sa electric outlet.

Nang makita ng ina ang nangyari sa anak na biglang natumba, kaagad niya itong nilapitan para tulungan pero siya man ay nakuryente rin.

Lumitaw sa imbestigasyon na may kuryente sa taniman para sa pump na ginagamit upang madiligan ang mga pananim.

“Ang wire, nagku-cross sa taniman. Sinaksak niya ang duplex wire. Siguro, pagsaksak niya ng plug sa outlet, ang aluminum part, nakasagi sa live wire at iyon naman, nahawakan niya kaya siya nakuryente,” ayon kay Police MSgt. John Rowell Jomolo, imbestigador sa Patnongon Municipal Police Station. – FRJ GMA Integrated News