Sugatan ang magkasintahang sakay ng motorsiklo matapos silang salpukin mula sa likuran ng isang kotse sa Cebu City. Ang driver pala ng kotse, inatake sa puso at pumanaw kinalaunan sa ospital.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita sa dashcam footage na tinatahak ng dalawang sasakyan ang N. Bacalso Avenue nang biglang salpukin ng kotse ang motorsiklo na kaniyang unahan.

Nagulungan ang binti ng babaeng angkas habang pumailalim sa kotse ang rider nito. Nagtulong-tulong naman ang traffic enforcer at ibang motorista upang maiangat ang kotse at makuha ang rider.

Ayon sa uploader ng video na si Richard Hijapon, ang pumailalim na biktima ang nagsilbing kalso para huminto ang kotse dahil umaandar pa ang makina nito at nakaapak pa sa accelerator ng driver.

Bukod sa angkas na humingi ng tulong para sa kaniyang kasintahang rider, humingi rin umano ng tulong ang asawa ng driver dahil inatake umano sa puso ang huli kaya nangyari ang aksidente.

Kinumpirma ng traffic enforcement unit na nakaranas ng heart attack ang 42-anyos na driver at pumanaw sa ospital.

Samantala, nakaligtas naman ang rider at angkas niyang kasintahan at nakalabas na ng ospital.

Ayon sa awtoridad, nagkausap na rin umano ang mga sangkot sa insidente. –FRJ GMA Integrated News