Inimbitahan ng House committee on justice si Bise Presidente Sara Duterte na dumalo sa pagdinig sa mga reklamong impeachment na isinampa laban sa kaniya sa Marso 25.
Ipinarating ni House justice panel chair at Batangas Second District Rep. Gerville Luistro ang imbitasyon sa Pangalawang Pangulo sa pamamagitan isang liham na may petsang Marso 19.
Sa dalawang reklamong impeachment, inaakusahan si Duterte ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, paglabag sa Konstitusyon, at iba pa dahil sa mga sumusunod:
- maling paggamit umano ng P612.5 milyong confidential fund at paggamit ng mga ito para sa suhol
- pagbabanta na papatayin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ang pamilya nito, kabilang ang kaniyang pagnanais na pugutan ang Punong Ehekutibo, at
- pag-iipon umano ng hindi maipaliwanag na kayamanan.
“We respectfully invite you to personally attend the said meeting in your capacity as the respondent in the impeachment complaints filed by Reverend Father Joel Saballa, et. al. and Atty. Nathaniel G. Cabrera,” sabi ni Luistro.
Nagbigay din ang mambabatas ng mga contact person, numero, at iba pang detalye sa Bise Presidente kung sakaling kumpirmahin niya ang kaniyang pagdalo, bukod sa iba pang mga katanungan at alalahanin.
“Thank you and we look forward to your participation in the meeting,” sabi pa ni Luistro.
Iniulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB na ayon sa abogado ni Duterte, natanggap na ng Pangalawang Pangulo ang imbitasyon mula sa House panel.
Sinabi ni Atty. Michael Poa na hindi pa niya nakakausap si Duterte ukol sa pagdalo sa pagdinig.
"I confirm that the Vice President has received the invitation from the House Committee on Justice. Regarding her attendance, I have not yet conferred with the Vice President on this matter," sabi ni Poa.
"That said, there is no requirement under the applicable rules for her personal attendance. Any decision in that regard will be made in accordance with her rights and upon the advice of counsel," dagdag pa niya.
Sa isang panayam sa Unang Balita, sinabi ni Luistro na ang desisyon na humarap sa mga pagdinig ng impeachment ay nakasalalay lamang sa Bise Presidente, ibig sabihin ay hindi siya maaaring pilitin ng panel na humarap.
“It is her option [to come]. If she shows up or otherwise, that is her prerogative. That is her choice,” sabi ni Luistro.
Nauna nang napag-alaman ng House justice panel na “sufficient in form, substance, and grounds” ang dalawang reklamo sa impeachment laban sa Bise Presidente.
Susunod nang hakbang ang paglalahad ng mga saksi at ebidensya sa parehong panig ng mga nagrereklamo at ng respondent, sa kasong ito ang Bise Presidente.
Itinakda ng House justice panel ang mga pagdinig sa impeachment sa Marso 25, Abril 14, Abril 22, at Abril 29.
“This is akin to a preliminary investigation in a criminal case,” sabi ni Luistro.
Ngunit sa Marso 25, sinabi ni Luistro na unang lulutasin ng House committee on justice ang mga sumusunod:
- Kahilingan para sa pag-isyu ng subpoena duces tecum mula sa Anti-Money Laundering Council, Commission on Audit, mga rekord ng bangko, mga tax return, ang mga natuklasan ng House good government and public accountability panel sa imbestigasyon nito noong 2024 tungkol sa paggamit ng badyet ng opisina ng Pangalawang Pangulo at sa panahon ng kaniyang panunungkulan bilang Kalihim ng Edukasyon
- Kahilingan na ilagay si Ramil Madriaga, na umamin bilang bagman ng Pangalawang Pangulo, sa ilalim ng protective custody ng House justice panel
- Pagtutol sa pagpapatala ng mga abogadong sina Michael Poa at Reynold Munsayac bilang defense counsel ng Pangalawang Pangulo matapos silang masangkot sa imbestigasyon ng House good government and public accountability panel inquiry panel sa paggamit ng badyet ng kaniyang opisina
Binanggit din ni Luistro na kumpara sa imbestigasyon ng House good government and public accountability panel noong 2024, ang pagdinig sa impeachment ay magiging mas masinsin dahil ang House justice panel ay may awtoridad na magpa-subpoena at suriin ang mga rekord ng bangko ng respondent.
Ito ay dahil hindi sakop ng Bank Secrecy law ang mga proseso ng impeachment.
“Exceptions to Bank Secrecy law include the impeachment proceedings and a court order. That is why in previous discussions before the Justice committee, we have said that we cannot expect complainants to have copy of the bank records [to support their claim],” ani Luistro.
Pagkatapos ng mga pagdinig, tutukuyin ng House justice panel kung may probable cause para i-impeach ang Bise Presidente.
Kung makitaan ng House justice panel ng probable cause, ang ulat ng komite ay sasailalim sa botohan sa plenaryo ng Kamara.
Hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng House ang kailangang bumoto pabor sa impeachment ng Bise Presidente para maipasa ito sa Senado na siya namang magsasagawa ng paglilitis. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
