Nasawi ang isang lalaki, habang malubhang nasugatan ang isa pa, matapos silang saksakin sa gitna ng kanilang pag-awat sa nagaganap na kaguluhan sa labas ng isang bar sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, makikita sa video footage ang nangyayaring kaguluhan sa Seaside Boulevard sa Barangay Santiago nitong Lunes ng gabi.

Maya-maya lang magkasunod nang napaluhod ang dalawang lalaki na may tama na pala ng saksak.

Dinala sila sa ospital pero hindi na umabot nang buhay ang isa na 45-anyos, na mula sa Cotabato City.

Ayon sa pulisya, parehong nakainom ang dalawang biktima at bumalik lang sa bar nang makita ang mga nag-aaway sa labas at umawat.

Tukoy na umano ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na tinutugis na.

Hinigpitan naman ang seguridad sa Seaside Boulevard para hindi na maulit ang insidente.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV na mahingan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.—FRJ GMA Integrated News