Niyanig ng lindol na may lakas na magnitude 5.4 na mula sa karagatan na malapit sa Bogo City, Cebu nitong Lunes ng hapon, ayon sa PHIVOLCS. Ang lakas ng pagyanig, makikita nang magbagsakan ang ilang paninda sa loob ng isang gadget store sa lungsod.

Ayon sa mga state seismologist, tectonic ang pinagmulan ng lindol na naganap dakong 3:22 pm, at may lalim na 10 kilometro.

Natukoy ang sentro ng lindol sa coordinates na 10.92°N, 124.07°E — humigit-kumulang 17 kilometro timog-silangan (S 35° E) ng Lungsod ng Bogo.

Iniulat din ng PHIVOLCS ang mga intensity na naramdaman sa mga sumusunod na lugar:

  • Intensity IV - San Francisco CEBU; Hilongos at Villaba LEYTE;
  • Intensity III - Liloan, Talisay, CEBU CITY, Lapu-lapu City, CEBU; Isabel, Baybay, Carigara, Ormoc City, at Abuyog, LEYTE; Esperanza, MASBATE; Hinundayan, SOUTHERN LEYTE;
  • Intensity II - Kawayan, at Naval, BILIRAN; Roxas City, CAPIZ; Carcar, San Fernando, Argao, and Asturias, CEBU; ILOILO CITY; Dulag, Alangalang, and Palo, LEYTE; La Carlota City, NEGROS OCCIDENTAL; Silago, at Sogod, SOUTHERN LEYTE
  • Intensity I - Tapaz, CAPIZ; Borongan City, EASTERN SAMAR; Jordan, GUIMARAS; Passi City, ILOILO; Aroroy, Masbate, Cataingan, MASBATE; Bacolod City, NEGROS OCCIDENTAL; Gandara, SAMAR

Nagbabala ang PHIVOLCS ng aftershocks at inaasahan ang posibleng mga pinsala sa impraestruktura.

Samantala sa video na ipinadala sa YouScoop, makikita na bumagsak ang ilang paninda sa isang gadget store sa Bogo City nang tumama ang magnitude 5.4 na lindol.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagkabahala ng mga tao sa loob ng tindahan, at ligtas din silang nakalabas. – Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA Integrated News