Patay na at nakalagay sa sako nang matagpuan sa gilid ng bangin ang isang babaeng siyam na taong gulang na ilang araw nang nawawala sa Malaybalay, Bukidnon.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing iniulat na nawawala ang biktima mula pa noong Abril 14.
Nitong Biyernes ng umaga, nakita ang bangkay ng biktima na nakalagay sa sako at nasa gilid ng bangin sa Barangay Can-ayan.
Kinilala umano ng mga kaanak ang bangkay ng nawawalang biktima.
Dahil nagsisimulang maagas ang biktima, isasailalim ang kaniyang bangkay sa awtopsiya para malaman ang sanhi ng kaniyang pagkamatay, at kung pinagsamantalahan din siya.
Tiniyak naman ni Police Captain Shiela Joy Jangad, spokesperson, Bukidnon, PPO, ang masusing imbestigasyon sa krimen upang mabigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima at ang pamilya.
May person of interest na rin umano ang mga awtoridad sa kaso pero tumanggi muna silang magbigay ng iba pang detalye.
Nag-alok naman si Malaybalay City Councilor Jason Chad Ayala ng P50,000 na pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para malutas ang karumal-dumal na krimen. – FRJ GMA News
