Pinangalanan na ang topnotcher sa 2026 physicians licensure exam na hindi kaagad tinukoy noon kung sino dahil kinailangan muna umanong tiyakin na walang iregularidad sa nakuha niyang mataas na iskor. Ang topnotcher, inihayag na inakala niyang bagsak siya dahil wala sa listahan ang pangalan niya ng mga pumasa kaya “nagalit"  pa siya sa nag-number one na hindi niya alam na siya pala.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing tinukoy ng Professional Regulation Commission (PRC) ang naturang topnotcher na 2026 physicians licensure exam na si Dr. Erwin Ken Parchaso, na mula sa Lyceum Northwestern University sa Dagupan City, Pangasinan.

Ang paliwanag umano kay Parchaso kung bakit hindi kaagad inilabas ang pangalan niya, “Sabi nila mataas lang talaga ang pagitan between the first and the second so they were kinda alarmed.”

Kabilang si Parchaso sa mga nag-oathtaking kanina, kasama ang mahigit 1,000 pang bagong mga doktor.

Pero bago makapasa at maging top 1, ikinuwento ni Parchaso na dumaan muna siya sa matinding kabiguan nang kumuha siya noon ng katulad na pagsusulit. Bumagsak siya sa una, at nawalan naman ng tiwala sa sarili sa ikalawa.

Sa una niyang pagsabak sa licensure exam, napag-alaman na sumabay ang pagiging ama niya na hindi pa siya handa.

“During the exam ang focus ko wala na sa exam, ang focus ko nasa girlfriend ko na she's pregnant. Ayun hindi namin planado so ‘yon, I failed,” saad niya.

Gayunman, sa kaniyang talumpati sa oathtaking, sinabi ni Parchaso na hindi niya ipagpapalit ang nabuo niyang pamilya kapalit noon ng mailap na lisensya at hindi niya pagpasa sa una niyang pagsusulit.

Sa pangalawang subok sa exam, nag-backout naman si Parchaso dahil sa nawalan na siya ng kompiyansa sa sarili.

“Hindi na ako confident mag-exam kasi parang sa mindset ko as time goes by nakakalimutan ko yung mga inaaral ko. Minsan kausap ko si wife mag-e-exam pa ba ko? [Yung confidence] parang wala na pababa na. Kahit yung mga samplex na sinasagutan ko ang baba ng nakukuha ko,” patuloy niya.

Sa pangatlong subok, bagaman naniniwala siyang kaya na niya pero umiyak siya nang lumabas ang resulta na wala ang pangalan niya sa mga pumasa.

“Ayun umiyak ako, ‘di ko alam gagawin ko,” saad niya. “Minura ko yung top 1 [na wala pa noong pangalan] kasi baka mataas ang score niya kaya tuloy nawala ako sa curve, natanggal ako kumbaga,” patuloy niya.

Nalaman niya lang noong Sabado na siya pala ang kinainisan niyang nameless Top 1 noon, nang ibalita ito sa kaniya ng isang ischool official.

“I was shocked, happy, confused. Rollercoaster talaga,” sabi ni Parchaso nang malaman na niya ang balita.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Parchaso na isang dekada ang naging pagsubok niya pero hindi siya iniwan ng kaniyang asawa na isa ring doktor na si Dra. Jael Parchaso.

Ayon sa ulat, wala pang paliwanag ang PRC kung bakit hindi kaagad inilabas ang pangalan ni Parchaso. Pero sinabi ni Dr Hector Santos, presidente ng Philippine Medical Association, na naging maingat lang ang PRC dahil mataas talaga ang naging iskor ni Parchaso.

Hindi rin naman daw iyon ang unang pagkakataon na hindi kaagad inilabas ng PRC ang pangalan ng topnotcher sa exam.

Narito ang kompletong listahan ng mga pumasa sa March 2026 physicians licensure examination.

FRJ GMA News