Magpapakalat ng 600 pulis at force multipliers ang mga awtoridad upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa 100th canonical coronation ng Our Lady of Manaoag, na inaasahan na dadagsain ng mahigit isang milyong deboto.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing isinailalim sa final briefings ang mga pulis at force multipliers ilang oras matapos ang kanilang deployment para sa makasaysayang pagtitipon.

“Ang PPO (Provincial Police Office) ay handang-handa na sa canonical celebration,” sabi ni Police Colonel Arbel Mercullo, director ng Pangasinan PPO.

Ayon sa mga lokal na opisyal, puno na ang mga matutuluyan sa bayan, at fully booked na ang mga hotel at transient house bago ang selebrasyon.

Sinabi ni Mayor Jeremy Agerico Rosario, na ang crowd control, traffic management, at seguridad ang nananatiling pangunahing hamon dahil sa inaasahang dami ng mga taong dadalo.

“Sa dami ng pupunta kabilang sa challenges ang traffic, security pero we have 11 medical teams,” anang alkalde.

Ayon sa lokal na pamahalaan, magpapatuloy ang selebrasyon anuman ang lagay ng panahon, at pinayuhan ang mga deboto na maghanda para sa init o maulan na panahon.

Nakatakda ang canonical coronation sa umaga ng Miyerkules, Abril 22, 2026, na susundan ng misa at prusisyon sa hapon, bilang pagmamarka ng isang mahalagang yugto para sa isa sa mga pinakadinadayo na pilgrimage site sa bansa.—FRJ GMA News