Nasawi ang isang 45-anyos na babae matapos siyang pagsasaksakin umano ng kaniyang 33-anyos na half-brother sa Bocaue Bulacan. Ang ugat umano ng krimen, ang paghingi ng suspek ng pamasahe na hindi naibigay ng biktima.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagtungo sa bahay ng biktima ang suspek noong Martes.

Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa nang hindi umano bigyan ng biktima ng pamasahe ang suspek para makadalaw sa mga anak.

Anim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktima at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Nadakip naman ang suspek na itinangging sinaksak niya ang kapaitd, pero aminado siyang pinagsusuntok niya ang biktima.

Mahaharap siya sa kasong murder ang suspek. – FRJ GMA News