Ikinagulat ng mga residente nang may mamataan silang isa umanong ambergris o suka ng balyena na inanod sa Lebak, Sultan Kudarat,
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing napadpad ang ambergris umano dulot ng mga malalakas na alon Biyernes ng gabi sa Barangay Tibpuan.
Una itong napansin ang isang lalaking nagmula sa laot. Ayon sa kaniya, mayroon itong kakaibang amoy, texture at hitsura.
Nang suriin ng DENR at MENRO, posible nga itong isang ambergris, na dadalhin pa sa General Santos City para sa dagdag na pagsusuri.
Nagpaalala pa rin ang mga awtoridad sa batas na bawal ang pagkuha at pagbenta ng mga produkto na mula sa mga endangered species.
Bagama’t itinuturing "basura" ng karagatan, milyong piso naman ang halaga ng ambergris.
Umaabot umano sa P300,000 hanggang P400,000 ang bawat kilo ng ambergris na ginagamit na sangkap sa paggawa ng pabango. — Jamil Santos/VBL GMA News
